Inanunsyo ng Mynt, Inc., ang parent company ng GCash, na nakakuha na ito ng pormal na Notice of Approval mula sa Board of Directors ng (BOD) ng Philippine Stock Exchange (PSE) para sa kanilang Initial Public Offering (IPO) at paglista ng common shares nito sa Main Board ng PSE.
Ito’y kasunod ng paghahain ng Mynt ng Registration Statement sa Securities and Exchange Commission (SEC). Ayon pa sa kumpanya, nakatakdang isagawa ang planong IPO sa buwan ng Oktubre.
Sa nasabing plano, tinatayang aabot sa 8.027 billion ang common shares para sa proposed offer bukod pa sa overallotment option na hanggang 1.204 billion secondary common shares na nakadepende sa huling regulatory clearances at kondisyon ng merkado.
Sa kabuuang firm shares, hanggang 1.605 billion shares ang bagong shares na ilalabas ng Mynt, habang hanggang 6.422 billion shares naman ang ibebenta ng mga kasalukuyang shareholder.
Kapag nakumpleto ang offer, ang firm shares ay katumbas ng tinatayang 12 porsiyento ng issued at outstanding capital stock ng Mynt, o 13.8 porsiyento kung ganap na maisasagawa ang overallotment option.
Kabilang sa mga financial institutions na magsisilbing Joint Global Coordinators at Joint Bookrunners ang Morgan Stanley & Co. International PLC, J.P. Morgan Securities plc, at UBS AG Singapore Branch.
Kabilang naman sa International Joint Bookrunners ang Jefferies Singapore Limited, CLSA Limited, at The Hongkong and Shanghai Banking Corporation Limited, Singapore Branch. Ang BPI Capital Corporation at BDO Capital & Investment Corporation naman ang magsisilbing Domestic Lead Underwriters at Joint Bookrunners.
Samantala, binigyang-diin ng Mynt na ang anumang magiging public offering ay nakadepende pa rin sa mga kinakailangang registration at listing requirements ng SEC at PSE, at iba pang kinakailangang internal approvals at consents.