Press Release

Pag-arangkada ng Motocross Competition 2023 at mga nagwagi sa kompetisyon, ating tunghayan

By City Information Department

March 07, 2023

 

Umarangkadang muli makalipas ang ilang taon ang Mayor Lucilo R. Bayron Motocross Competition na ginanap sa Sta. Monica Motocross Racetrack nitong Sabado at Linggo kung saan mahigit sa isangdaan ang lumahok para sa iba’t ibang kategorya.

 

Napuno ang palibot ng venue kahit pa babad sa mainit na tirik ng araw ang mga manonood. Ipinakita ang kanilang suporta sa bawat motocross racers na mainit rin ang naging bakbakan sa loob ng racetrack. Sa husay at galing na ipinapakita ng mga motorista hindi pupwedeng kumurap dahil sa kaabang-abang na gitgitan para makakuha ng pwesto sa paligsahan.

 

Matindi ang pasiklaban mula sa mga kalahok sa Novice Enduro, Scooter, Intermediate Production, Pitbike, Intermediate Enduro, Pantra, Novice Production, MX35 Open, Open Enduro, MX40 Open at Open Production kung saan mapa-kabataan, mapa-babae at ‘oldies but goodies’ ay hindi nagpahuli sa bakbakan.

 

Para masiguro ang kaligtasan rin ng mga kalahok, nakahanda sa pag-rescue ang medics mula sa City Health Office (CHO) at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO). Buhay na buhay rin ang marshals para bantayan ang umuungos at umaabante sa mga rider sa kabila ng mga hamon ng racetrack loop.

 

Pero ang mas inabangan ay ang pag-arangkada rin ng mga pinakamahuhusay sa bansa sa larangan ng motocross. Nagpasiklab sina Jerick Mitra, Ralph Ramento at ang “Lion King” of the Philippine Motocross Bornok Mangosong na nasungkit ang over-all champion sa Open Production category.

 

Highlight rin ang mga manlalaro na hindi nagpaiwan para magopo ang kampeonato. Overall Champions sa magkakaibang kategorya sina Arjay Llera, Kurt Lleyton Fellizar, Benjamin Hasim, Christian Danao, Bel Basaya, Jomari Cruz at iba pang lokal na racer ng Palawan.

 

Malaki rin ang pasasalamat ni Karl Bayron, ang event head organizer ng Motocross Competition 2023 sa suporta at pagtangkilik ng mga mamamayan ng siyudad sa aktibidad. Maging ang tulong ng iba’t ibang departamento ng pamahalaang panlungsod para sa naging tagumpay ng kabuuan ng kompetisyon.

 

“Walang mapaglagyan ang aking kasiyahan na nakikitang nag-ienjoy ang mga manonood natin kasi alam ko na-excite kayo ulit sa motocross dahil matagal rin itong natigil. Sobrang laki rin ng pasasalamat ko sa riders natin na itong kanilang kinahihiligang sports bagaman extreme ay hindi pa rin tumitigil at patuloy lang para sa magandang performance”, ayon kay Karl Bayron.

 

Maging si Mayor Lucilo R. Bayron ay bumisita rin saa racetrack para pasalamatan at anyayahin ang mga taga-lungsod na patuloy na suportahan ang mga programa at proyektong inihahandog ng Mega Apuradong Administrasyon para mapalakas pa ang sports tourism sa Puerto Princesa.