Provincial News

1 munisipyo at 9 na Barangay sa Palawan, kabilang na sa drug-cleared areas

By Gilbert Basio

December 21, 2020

Sa katatapos na Deliberation and Declaration of Drug-Cleared Barangays sa lalawigan ng Palawan noong nakaraang Huwebes, Disyembre 17 sa Puerto Princesa City Coliseum ay napabilang ang bayan ng Magsaysay at 9 na mga Barangay mula sa iba’t ibang munisipyo ng Palawan na nadeklarang malaya na sa kalakaran ng ilegal na droga.

Base sa inilabas na ulat ng Provincial Information Office, ang bayan ng Magsaysay at mga Barangay na kinabibilangan ng Barangay Barong-Barong, Brookes Point; Barangay Barutoan, Pasadeña, San Fernando at Barangay Bagong Bayan sa El Nido; Bgy. Cocoro sa Magsaysay at sa bayan ng Taytay ay ang Barangay. Sandoval, Pamantolan at Barangay Pularaquen ay pumasa sa evaluation ng Regional Oversight Committee Validation Team upang maideklarang drug-cleared.

Noong 2019, kabilang ang munisipyo ng Magsaysay sa naideklarang drug-cleared ngunit dahil sa muling naging aktibo ang kalakaran ng ilegal na droga sa lugar kaya ito muling dumaan sa validation.

Samantala, lalong paiigtingin ng Provincial Anti- Drug Abuse Program (PADAP) katuwang ang Local Government Unit (LGU), Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC), Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga partner agencies ang kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan upang makamit ang naisin na maging Drug-Cleared Province ang Palawan.