Isang 15 anyos na dalagita ang ginahasa umano ng apat na kalalakihan nitong Biyernes ng gabi, Oktobre 12, sa Purok Damayan, Barangay Panacan II, Narra, Palawan.
Ayon kay Kagawad Rodelo Causing ng barangay Panacan II, ang biktima, na itinago ng Palawan Daily News sa alyas na “Ana”, ay umalis ng kanilang bahay at tumungo sa Purok Damayan hapon noong Biyernes kung saan nakatira ang dati nitong boyfriend na itinago ng mga awtoridad sa alyas na “Jayjay”, 15 anyos.
Dagdag ni Causing, nakipag-inuman umano ang biktima sa dating nobyo kasama ang kapatid nitong alyas “Bongbong” at dalawa pa nilang barkada na sina alyas “Kuring” at isang hindi pa nakikilalang suspek.
Tumagal umano ang inuman hanggang gabi kung saan nagsimula nang hanapin ng kanyang mga magulang at iba pang kaanak ang biktima.
Sabado ng umaga, ayon kay Causing, ay nakatanggap siya ng tawag mula sa tiyahin ng biktima kung saan ito ay humihingi ng tulong upang hanapin ang nawawala nitong pamangkin.
“Bago siya mawalan ng malay, nakatawag na siya sa mga magulang niya noong madaling-araw, parang ang sabi niya ‘Tay niya eh ni-rape siya sa Damayan tapos itatapon daw siya sa dagat,” aniya ni Causing.
“Tapos namatay na ‘yung cellphone. Agaran din inaksyunan ng mga magulang. Nagtungo agad sila sa aplaya. Inabutan sila ng umaga hindi nila nakita sa aplaya hanggang ginalugad na nila’ yung Damayan, tapos tumawag na sila sakin nung umaga,” dagdag nu Causing.
Nang matanggap umano ng miyembro ng barangay council ng Panacan II ang tawag mula sa tiyahin ng biktima, agaran umano nilang inaksiyunan ang report at nagtungo sa mga awtoridad.
Ayon kay Causing, nang kanilang mapuntahan ang bahay ng suspek kasama ang lokal na pulisya, naabutan nila ang biktimang kasalukuyang nakahiga at walang kamalay-malay.
“Naabutan namin doon si alyas Jayjay, isang taga Puerto din na lalake, si alyas Bongbong at isa pa. Bale apat ang dinampot ng pulis, ‘yun ang iniimbestigahan nila,” hayag ni Causing.
Palagay ni Causing, pinaghihinalaan nila na na-vetsin di umano ang biktima.
“Siguro vinetsin nila kasi gulapay’ yung bata eh. Ganoon talaga. Walang malay, tapos nakalihis pa nga ‘yung damit niya, isang kamay lang ang nakapasok sa damit pangtaas.’ Yung pang-baba, wala talaga,” ani ni Causing.
Ayon din kay Causing, nasa tinatayang edad 20-26 anyos na ang 3 sa mga suspek.
Sa ngayon, dagdag ni Causing, hawak na ng Provincial Police Office (PPO) ang tatlo sa mga pinaghihinalaang rapist.