Dalawang baboy damo o Palawan Bearded Pig (Sus ahoenobarbus) ang kamakaila’y isinurender ng isang residente ng Munisipyo ng Aborlan sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at DENR-Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC).
Kabilang dito ang isang babaeng baboy damo na tumitimbang umano ng 45 kilo at isang lalaking baboy damo na may bigat namang 64 kilo at pawang nasa 16-18 buwang gulang.
Sa impormasyong ibinahagi ng PCSD mula sa kanilang social media post noong Mayo 28, nakasaad na isinauli ang naturang mga buhay-ilang ni G. Philip Elliot, residente ng Sitio Tagbariri, Brgy. Magsaysay, Bayan ng Aborlan, Palawan bandang 11:00 AM ng nabanggit na petsa.
Ayon umano kay G. Elliot, 16 buwan na ang nakalilipas nang ibenta sa kanya ang mga iyon ng kanyang mga trabahante na noon ay “nasa juvenile stage pa lamang.”
Sa ngayon, sumasailalim na rehabilitasyon ang naturang mga baboy damo sa ilalim ng pangangalaga ng DENR-PWRCC.
Paalaala naman ng PCSD Staff na batay sa PCSD Resolution No. 15-521, kabilang na sa “endangered species” ang naturang mga buhay-ilang, alinsunod sa 2014 Updated List ng “Terrestrial and Marine Wildlife in Palawan and Their Categories” na nakaangkla naman sa RA 9147 o mas kilala bilang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.”
“The mere possession of wildlife species, including harming, killing and destroying wildlife are prohibited under the Wildlife Act,” ayon pa sa tagapagsalita ng PCSDS na si G. Jovic Fabello.