Kinumpirma ni Bataraza Mayor Abraham Ibba na gumaling na ang dalawang Locally Stranded Individuals o LSIs na una nang nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang bayan.
Ayon kay Ibba, pinayagan na nilang makauwi ang mga ito at hindi dapat mangamba ang kanilang mga kababayan dahil magaling na ang dalawang LSI.
“Oo, gumaling na sila ‘yong dalawa at today ay pinayagan na namin silang makauwi sa kanilang mga bahay para makasama ang kanilang mga pamilya,” ani Mayor Ibba.
Sa kasalukuyan at anim na aktibong kaso na lamang mayroon sa bayan ng Bataraza kung saan umaasa naman si Ibba na gagaling narin ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Samantala, sa lungsod ng Puerto Princesa naman ay gumaling narin ang tatlong medical staff ng Ospital ng Palawan na sina Patient No. 5 na 34 anyos na babae, Patient No. 6 na 31 anyos na lalaki at Patient No. 7 na 30 anyos na babae.
Ito ay matapos ang ilang linggong gamutan at pag monitor sa kanilang kondisyon sa quarantine at isolation facility ng lungsod.