Ibinahagi ng pamunuan ng BFAR-Palawan sa katatapos na virtual program ng PAF-TOW WEST at ng PAF Civil-Military Operations Group na “Up Up Palawan” noong Biyernes na buo ang suporta nila sa Western Command sa pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).
“Ang ating mga patrol boats, karamihan ay naroon sa West Philippine Sea. Katuwang po ng Philippine Navy at Philippine Coastguard, sila po ay nagka-conduct ng patrol operations doon,” ayon kay BFAR Provincial Field Officer Mario Basaya na isa sa mga panauhin sa lingguhang programa ng Tactical Operations Wing West at ng PAF-CMOG.
Dagdag pa niya, maging ang mga bagong acquire na barko ng kanilang tanggapan ay tuloy-tuloy ang pagpapatrolya sa pinag-aagawang bahaging iyon ng bansa.
Bahagi ito ng kanilang mandato na law enforcement, maliban pa sa pamamahagi ng mga naaakmang mga programa para sa mga mamamayan at mga pagsasanay.
Ang BFAR na nasa ilalim ng Department of Agriculture ay responsable sa pagpapaunlad, pagpoprotekta, pangangalaga at pagpepreserba ng yamang-dagat ng Pilipinas, katuwang ang iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan.