Umabot sa 32 kabahayan ang natupok ng apoy sa pier site ng Sitio Marabahay, Brgy. Rio Tuba, Bataraza, Palawan Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Punong Barangay Nelson Acob ng Brgy. Rio Tuba, dakong 5:45 PM nang itawag sa Barangay Fire Brigade ang nagaganap na sunog sa coastal community ng kanilang barangay at agad naman umanong tinugunan ng kanilang hanay at sinundan ng iba pang ahensiya.
“Malaki po [ang apoy]. Mabilis lang po ang pangyayari kasi karamihan po light materials kaya mabilis po [ang pagkalat] ng apoy,” ani Kapt. Acob.
Pahirapan din umanong mapasok ang lugar dahil sa kitid ng tulay na yari lamang sa kahoy.
“Dumating po sa punto na marami po ang affected [na kabahayan] dahil hindi po makarating ang bumbero sa dulo kasi maliit lang po ang tulay. Kasi po, nasa dagat [‘yong area na nasusunog],” ani Kapt. Acob.
Dagdag pa niya, umabot sa 167 katao ang apektado ng sakuna na sa ngayon ay pansamantalang nasa sa evacuation center ng Rio Tuba National High School.
Sa kabutihan-palad ay wala naman aniyang binawian ng buhay sa naganap na insidente.
Tinitiyak din ng pamunuan ng Brgy. Rio Tuba na nasa mabuting kalagayan ngayon ang mga biktima ng sunog. Agad umano silang nabigyan ng relief goods gaya ng pagkain at mga damit habang kinukuha naman ang kabuuang datos para sa kanilang financial assistance na magmumula sa barangay, lokal na pamahalaan, at mga pribadong kompanya.
“Naka-lockdown kami ngayon kaya in-isolate po namin [sila],” pagtitiyak pa ng Kapitan. Aniya, magtatapos ang lockdown sa kanilang barangay sa Mayo 2, matapos ang dalawang linggo.
Sa ngayon ay patuloy umano ang isinasagawang imbestigayson ng mga kinauukulan sa naging sanhi ng sakuna.
Ayon naman sa isang netizen na si Franco Trongco, kasama sa mga lubhang natupok ang mga tindihan ng mga residenteng Muslim na nakahelera sa pier ng Marabahay.
Ito na rin umano ang ikalawang pagkakataon na nasunog ang nasabing coastal community dahil nasunog na rin ito noong 2014.
Marami naman ang nahabag sa naganap dahil kasalukuyang naka-lockdown ang Rio Tuba ngunit naganap pa ang sunog.
Sa kabilang dako, mag-uusap naman umano ang LGU Bataraza, ang barangay, at DENR kaugnay sa relocation site ng nasabing mga residente, dahil batay sa batas ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagtira ng mga mamamayan sa mga baybayin para na rin sa kanilang kaligtasan.