Provincial News

5 frontliner sa Coron, positibo sa COVID-19

By Diana Ross Medrina Cetenta

October 08, 2020

Karagdagang limang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Bayan ng Coron, Oct. 7, 2020. Ang mga nasabing nagpositibo sa virus ay mga frontliner.

Ito ang inanunsiyo ng Lokal na Pamahalaan ng Coron sa pamamagitan ng Coron Public Information Office. Ang nasabing mga pasyente ay ang mga lalaking 28 taong gulang at 29 taong gulang at babaeng 24 taong gulang na pawang mga  residente ng Poblacion 5 habang ang dalawang lalaking 41 anyos at 33 anyos ay mula naman sa Poblacion 6.

“Ang mga nabanggit ay pare-parehong mga frontliner. Sila ay agad na inilagay sa isolation at ang contact tracing ay naisagawa na,” ang nakasaad pa sa pabatid ng LGU.

Matatandaang bumaba na sa siyam ang aktibong kaso sa Coron matapos na gumaling ang apat sa mga nagkasakit ngunit sa bagong limang active cases ay umakyat ang bilang sa 14.

Samantala, ngayong araw naman ay dumating na ang mga biniling Sofia Antigen Test Kits at Antigen Analyzer Machine ng munisipyo at na-set-up na ng mga Medical Technologists ng Municipal Health Office. Ito umano ay mga kagamitan na pagtukoy ng SARS-CoV-2 antigen na sa pamamagitan ng nasal swabbing, makalipas ang 20 minuto ay agad nang matutukoy kung ang isang tao ay infected ng nasabing virus na nagdudulot ng COVID-19.

Ito umano ang naging hakbang ng Municipal Government ng Coron habang hinihintay ang mga certification at iba pang mga dokumento mula sa Kagawaran ng Kalusugan para sa pagtatayo ng RT-PCR Testing Facility sa kanilang bayan.

“Ang Antigen Test ay may 96.7 percent sensitivity rate at malaking tulong para sa ating mga frontliner na maagang matukoy ang mga taong may COVID-19 ng sa gano’n ay agarang maisagawa ang isolation upang hindi na makapanghawa pa, hanggang sa gumaling,” ang nakasaad pa sa post ng Coron Public Information Office.