Ang ilang miyembro ng New People's Army. Larawan mula sa Wescom

Government

69 barangay sa Palawan na apektado ng CPP-NPA, target linisin ngayong taon

By Diana Ross Medrina Cetenta

November 05, 2019

Tahasang tinuran ng mga bumubuo ng Palawan Task Force in Ending Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) na target nilang linisin ang mga natitira pang mga barangay na apektado ng Communist Terrorist Group (CTG) bago magtapos ang taon.

“We’re confident na baka one year palang ay maki-clear na natin ‘yan. Kasi katulad ng wala pang one month ‘yung ating Provincial Task Force ay marami ng accomplishment tayong nagawa….Kung magtutulungan, less than one year, clear na lahat [‘yan],” pahayag ni Third Marine Brigade commander, BGen. Charlton Sean Gaerlan sa isinagawang press conference matapos ang PTF-ELCAC Multi-sector Security Summit kamakailan.

Aniya, bagamat ang timeframe na ibinigay sa buong rehiyon ng Mimaropa ay hanggang 2022 ngunit “mas maganda kapag maihabol ngayong taon” sa probinsiya ng Palawan.

“If we can do it this end of the year, much better,” susog pa ni Western Command (Wescom) commander, VAdm. Rene Medina.

Idinagdag din niyang may isinasagawa ng iba’t ibang ongoing projects ang Provincial Government sa ilalim ng PTF-ELCAC. Sa ngayon umano ay mas marami na ring mamamayan ang nakaaalam sa ganitong mga problema at mas marami na ang gustong makiisa upang masawata na ang presensiya at pangingikil ng mga makakaliwang grupo.

Sa ibinigay na datos ni VAdm. Medina, sa nasabing kabuuang 69 barangay, apat umano ay naimpluwensiyahan ng mga Communist Terrorist Group, apat ang less influenced habang 61 ang threatened. Di na pinangalanan pa ng opisyal kung anu-anong mga barangay iyon ngunit, inihayag niyang kasama rin dito ang ilang threatened barangay mula sa lungsod ng Puerto Princesa.

PAGDEKLARA SA CPP-NPA NA ‘PERSONA NON-GRATA’

Isa naman ang siyudad sa wala pang naihahaing resolusyon na nagdedeklara sa CPP-NPA na persona non-grata, kabilang ang mga munisipyo ng El Nido, Roxas, San Vicente at Jose Rizal, gayundin ang Sangguniang Panlalawigan.

Ang 19 na munisipyo naman ay nauna nang naghain ng kaukulang hakbang. Ani BGen. Gaerlan, taliwas sa pag-aakala ng ilan, mas higit aniyang kailangan ng lungsod na gumawa ng naturang deklarasyon at isang halimbawa umano ay dito sa lungsod ng Puerto Princesa nahuli ang umano’y pitong mga miyembro ng CPP-NPA nang maharang sa isang checkpoint sa Brgy. San Jose noong Oktubre 5.

“….[H]indi por que city ka, akala mo free ka na sa ganitong mga gawain; mas dapat ngang mangamba ‘yung City, dahil ‘yun ‘yung sentro, mas doon nagaganap lahat. Eh! Kung dito pa lang ay hindi na sila welcome, magandang signal ‘yun na hindi talaga pwedeng magsimula rito sa City at palabas na ng mga municipalities,” giit ani Gaerlan.

Tiniyak din ng Wescom na sa takdang panahon ay ilalabas nila sa publiko ang mga pangalan ng mga kompanya at indibidwal na nagbibigay ng salapi sa mga makakaliwang-grupo base sa nakumpiskang notebook ni SRMA4-E at STRPC Deputy Secretary for organization/Finance Domingo Ritas o Arnel Molino.

Ayon kay Medina, sa ngayon ay kanila pang biniberipika ang mga nakuhang report at iginiit nito na kailangan ding magpaliwanag ng nasabing mga indibidwal.

“We feel that they have to explain why they are supporting the CPA-NPA….The purpose [of doing this] really is to cut off their (CTG) resource fund in Palawan, not only their recruitment activities….We really have to make a strong stand that those who are supporting them will be dealt accordingly,” paliwanag ng head ng unified command ng AFP sa Palawan.

Ang mga pinaniniwalaang nagbibigay ng suporta sa CPP-NPA ay mula umano sa hanay ng construction firms, business companies, ilang personalidad at mga pulitiko. Isasangguni naman umano nila sa Legal Office ang lahat ng hakbang ukol dito sapagkat posible rin umanong biktima lamang ang nasabing mga indibidwal ngunit palaisipan lamang umano para sa kanila na sa tagal na hinihingian sila ng salapi ay bakit hindi sila nagreklamo sa mga otoridad.

Base sa iprinisentang datos ng mga kinauukulan, ang mga nakolekta ng CPP-NPA ay P11,540,000 noong 2017; P6,024,500 noong nakaraang taon habang P3,008,000 naman ngayong 2019.

“We, the Palawan Task Force ELCAC, is serious in our fight against the CPP-NPA terrorist group and its left-leaning organizations. We do not want our children to waste their lives being one of the victims of the terrorist group. We will continue our efforts to inform the community of the deception of the CPP-NPA and its left-leaning organizations that force them to join in their ill-willed intentions and destroy the lives of the innocents,” ang bahagi ng mensahe ni PTF-ELCAC Chairman, Gov. Jose Chaves Alvarez na kinatawan ni Provincial Legal Officer at Provincial Enforcement Task Force Vice Chairman, Teodoro Jose “TJ” Matta.

Samantala, sa kasalukuyan umano ay nasa 120 na miyembro na rin ng CTG na mga taga-Palawan ang nagbalik-loob sa pamahalaan simula 2013 hanggang Setyembre ngayong taon.