PUERTO PRINCESA CITY — Isinailalim sa oryentasyon kaugnay sa ‘Child Labor’ ng Department of Labor and Employment (DOLE)- Palawan ang nasa 150 na mga kabataan at magulang mula sa mga Barangay ng San Pedro at Pagkakaisa sa lungsod ng Puerto Princesa.
Layon ng pagtuturo na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga ito hinggil sa mga batas na nagbibigay ng proteksiyon at nagbibigay diin sa karapatan ng mga kabataan.
Ipinapaliwanag ni Mimaropa Assistant Regional Director Bernardo Toriano ng DOLE sa mga magulang at kabataan ng Barangay Pagkakaisa, lungsod ng Puerto Princesa ang mga nakapaloob sa kanilang adbokasiya hinggil sa ‘Child Labor’. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan) Ayon kay Ma. Socorro Marquez, labor officer ng DOLE sa lalawigan, natukoy ang dalawang nabanggit na barangay na may malaking bilang ng mga kabataan na nanganganib sa child labor.
“Base sa assessment ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa mga barangay na ito, maraming bilang ng mga bata ang hindi nag-aaral, na posibleng mauwi o ma-obliga sa maagang pagtatrabaho,” ani Marquez.
Samantala, nakatuwang ng DOLE sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon hinggil sa adbokasiya ang DSWD, kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Public Employment Services Office (PESO) at mga opisyales ng barangay. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)