Bataraza Mayor Abraham Ibba habang kinukunan ng blood pressure bago bakunahan kontra Covid-19

Provincial News

Alkalde ng Bataraza, hindi umano sumingit sa linya para magpabakuna kontra COVID-19

By Angelene Low

March 25, 2021

“Hindi tayo sumingit sa linya.”

Ito ang naging sagot ni Bataraza Mayor Abraham Ibba na isa sa 5 mayor sa bansa na naunang nagpabakuna kahit wala umano ang mga ito sa priority list ng Department of Health (DOH).

“Hindi tayo sumingit sa linya. Tayo po ang nauna bago sumunod ‘yung mga tao para model po kasi. ‘Yun ang isyu. Alam mo naman ang mga isyu ng vaccine [kaya] maraming takot, ‘di ba? Lalo na dito sa amin eh ‘yung iba naming kababayan [ay] mga netibo kaya sa ating pananaw eh wala tayong ginawang masama bilang mayor.”

Inamin naman ng alkalde na totoong siya ay nagpabakuna nitong Lunes, Marso 22, 2021, sa naging ceremonial vaccination sa Bataraza Coliseum.

“’Yung about sa isyu itong supposed order about sa pagbabakuna natin [ay] totoo po ‘yun. Totoo na last Monday, [March] 22, ‘yun nga nagkaroon tayo ng ceremonial ng vaccine [roll-out]. May program [at] talagang ‘yun ang napagkasunduan namin doon sa Bataraza dahil ito before dumating mga vaccine na ito [ay] maraming takot [at] may agam-agam na tao ayaw magpa-vaccine. So, ‘yung ating mga medical health personnel talagang nagko-convince nagbibigay ng information dissemination sa mga tao.”

Nilinaw nito na siya ay nagpabakuna ng COVID-19 vaccine bilang chairman ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 sa kanilang bayan at ito rin ang naisip na solusyon upang mahikayat ang mga frontliner, medical health worker at iba pang mga susunod na mababakunahan base sa priority list.

“So, ang ginawa po natin, bilang tayo ang chairman ng IATF ng Bataraza [at] para mawala ‘yung kanilang agam-agam, tayo po ang nauna. Ang intensyon po natin para mawala ang takot nila. ‘Yun ang ginawa natin. Hindi tayo sumingit kundi tayo mismo ang nauna nagpa-vaccine to convince ang ating mga constituent at para mawala ‘yung kanilang mga pagdududa o takot.”

“Kasama po tayo sa frontliner, hindi lang ang medical health worker natin. Kung anong guideline ng DOH po doon tayo, ‘yun ang sinusunod po natin.”

“Pangalawa tayo rin ay frontliner. Kung ang ibang LGU mga mayor’s na frontliner, tayo po ang mauuna hindi lang sa COVID. Wala tayong ibang intensyon kasi ang guideline naman [ng Department of Health] ayon sa ating pagkakaintindi ay uunahin ‘yung mga frontliner [at] mga medical health worker. So hindi lang ang fronliner natin ang medical health worker, marami eh [at] kasama tayo. So ‘yun ang ginawa natin.”

Aniya, nagsagawa ng survey sa mga barangay at lumalabas na marami ang takot magpabakuna kaya’t ito ang naisip na estratehiya upang magbago ang isip ng mga tao.

“Nagbarangay-barangay ang ating mga personnel ng RHO natin. So, lumalabas doon sa survey sa kanilang campaign na talagang maraming ayaw [magpabakuna ng COVID-19 vaccines] kasi takot.”

“’Yun ang sinasabi natin na ‘sige, mauna ako kung mamatay ako wag na kayo magpa-vaccine’.”

Nang dahil umano sa sa ginawang pagpapabakuna ng alkalde ay marami ang nagbago ang desisyon at nagpabakuna na rin kontra COVID-19.

“Nung nauna tayo, marami at sunod-sunod [ang mga nagpabakuna] hanggang ngayon po sa Bataraza. Hanggang sa Firday [ang vaccination roll-out dito] continuous po yan.”

Pinapaalalahanan naman nito ang mga mamamayan na nagpabakuna na maging maingat pa rin at patuloy na sumunod sa ipinapatupad na minimum health standards.

“Ang masasabi lang natin ay magpabakuna ang lahat na ayon sa nire-required ng DOH at kung nakabakuna na ay andun pa rin tayo sundin pa rin natin ‘yung minimum health protocols. Mag-wear pa rin tayo ng facemasks kasi hindi ibig sabihin kung nabakunahan na tayo ay hindi na tayo mahawa o hindi na tayo makahawa. Mag-ingat pa rin po tayong lahat.”