Naglabas ng saloobin si Mayor Gerandy Danao ukol sa pagpapauwi sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at Returning Overseas Filipinos (ROFs) sa Lalawigan ng Palawan.
Ayon sa Alkalde, sa naganap na “Ulat sa Bayan” kamakailan, kung siya ang tatanungin ay hindi muna niya pauuwiin ang nasabing mga indibidwal at bibigyan na lamang ng ayuda dahil wala ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ngunit ngayon ay mayroon ng mga bagong naitala.
“Noong nagmi-meeting po kami, sinasabi ko talaga na kung pwede po, ‘wag po sanang magpabiyahe ng barko at eroplano na mag-uwi po ng tao sa Palawan kasi ang Palawan walang sakit. Ang nangyari po, sa kagustuhan po ng ating Presidente na iuwi po ang ating mga kababayan sa kani-kanilang lugar, ako po talaga, ayaw ko sanang mangyari ‘yon. Sabi ko nga, sana i-sacrifice na lang, sustentuhan na lang sana [sila] kung kaya namang gawin, mas mainam po sana ‘yon. Kagaya po ngayon, mayroon na tayong positive na galing Maynila. Nakatatakot, baka mamaya makatawid sa atin, wala na tayong kadepe-depensa,” ani Danao.
Komento pa niya, ngayong pinayagan ng nasyunal na pamahalaan na makauwi ang mga LSI at ROF sa kani-kanilang mga probinsiya, sana rin umano na paabutin man lang nila ng 14 araw bago ang kasunod na batch ng mga uuwi upang maihanda ang mga quarantine facilities.
Aminado siyang nagkukulang sila sa pasilidad sa ngayon kaya hiniling niya sa Sangguniang Bayan na pumasok sa kasunduan ang lokal na pamahalaan sa mga may-ari ng pension house ngunit ibinasura umano ito ng ng mga konsehal. Layon lamang sana umano niyang may mapaglagakan ang mga uuwi nilang mga kababayan.
Sa kasalukuyan, sa talaan ng mga kinauukulan, mula sa lumang dalawang kaso ay mayroon ng 13 na bagong confirmed COVID-19 cases sa Palawan na kung saan, lima nito ay mula sa Lungsod ng Puerto Princesa, tatlo sa Bayan ng Coron at lima rin sa Bayan ng Sofronio Española, mga pawang LSIs at ROFs.
Samantala, ukol naman sa pagtugon sa COVID-19, ipinabatid ni Mayor Danao na ang kanilang munisipyo ang kauna-unahang nagpasundo ng mga na-stranded nilang mga kababayan sa iba’t ibang munisipyo. Umabot din umano sa P60, 617,883.85 ang kabuuang nagastos ng lokal na pamahalaan na inilaan sa mga binalangkas nilang mga ordinansa kaugnay sa paglaban sa COVID-19 at sa iba pang gastusin kaugnay nito.