Wala umanong dapat ikatakot o ikabahala sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ang mga Palaweño.
Ito ang ipinunto ni Governor Jose Ch. Alvarez sa kanyang mensahe nitong June 12, sa isinagawang tree planting activity sa bayan ng Aborlan.
Ayon sa gobernador, mas dapat pang katakutan ang sakit na tuberculosis dahil sa mas maraming namamatay sa sakit na ito araw-araw na umaabot anya sa 7,000 kumpara sa nasa 1,000 lamang na indibiwal ang namatay dahil sa COVID-19 sa loob ng apat na buwan.
“Huwag kayong matakot sa COVID dahil ang COVID, para lang flu ‘yon, mas matakot tayo sa tuberculosis,” ani Gov. Alvarez sa kanyang mensahe sa isinagawang tree planting sa Aborlan.
Sinabi pa ng gobernador sa pamamagitan ng kalatas na inilabas ng Provincial Information Office na may mga senador nga na nag-positibo sa COVID-19 at hindi nagpa-ospital pero gumaling din.
Dagdag pa nito na ang kailangan lamang gawin ng lahat ay ang mag-ingat at sundin ang mga paala-ala ng health authorities upang maiwasang mahawa ng nakamamatay na virus.
Sa kabila nito, tiniyak din ni Alvarez na tuloy ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaang panlalawigan kasama ang iba pang ahensya upang maiwasan at mapigilan ang pagkalat ng virus lalo na ang pagkakaroon ng local transmission sa Palawan.