Police Report

Apat, arestado sa buy-bust ops sa Brooke’s Point

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 08, 2020

Apat katao na umano’y lumabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang timbog ng mga otoridad sa Munisipyo ng Brooke’s Point noong Mayo 6.

Ikinasa ang joint anti-illegal drug buy bust operation ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ng kanilang OIC Chief of Police, PCpt. Bernard Favila dela Rosa at ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng PNP Provincial Police Office (PPO) na pinangunahan naman ni PCpt. Michael Von Lujero Agbisit bandang ika-5:30 ng umaga sa nasabing petsa na nagresulta sa pagkakadakip sa nasabing apat na mga indibidwal sa Sitio Venturanza, Brgy. Oring-oring, Brooke’s Point, Palawan.

Kinilala ang mga suspek na sina Sanang Cano Nasad, 34 taong gulang, may asawa, drayber at residente ng Brgy. Labog, Sofronio Española; Diolai Panes Basadre, 43 taong gulang, may asawa, residente ng Brgy. Poblacion District I, Brooke’s Point; Raymart Lawanan Ceriaco, 19 years old, single, magsasaka, at naninirahan sa Brgy. Oring-oring, Brooke’s Point at si Anthony Mechabe Demerin, 31 taong gulang, may-asawa, magsasaka, at residente rin Brgy. Oring-oring, Brooke’s Point.

Nakuha umano sa kanilang posisyon, kontrol at kustodiya ang mga ebidensiya gaya ng isang silyadong transparent sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang Methamphetamine Hydrochloride o shabu na may lagda, isang puting adapter charger na naglalaman ng isang silyado ring transparent sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at dalawang nirolyong maliit na foil.

Kasama ring nakuha sa mga suspek ang isang itim na sling bag na naglalaman umano ng pink powerbank na may isang walang lamang plastic sachet na nilagyan ng P500 o ang ginamit na buy bust money, isang pulang Winston pack na naglalaman ng limang heat sealed transparent sachet na naglalaman din ng puting pulbos na pinaghihinalaang shabu. Ganoondin ang isang folded navy blue facemask, isang stainless na gunting at cricket lighter, isang rolled foil at isang tooter na may sling.

Sa ngayon ay nahaharap ang nabanggit na mga suspek sa kasong paglabag sa sections 5, 11, at 12 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.