Stock Photo

Provincial News

Apela sa suspensyon ni Mayor Danao, nasa final review na umano ng Malacañang

By Gilbert Basio

February 25, 2021

Malapit na umanong malaman ng kampo ni suspended Narra Mayor Gerandy Danao ang magiging sagot ni Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay sa kahilingan na baliktarin ang 20 buwang suspension order ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.

“Ang huling usap ng abogado na nasa Manila, final review na sila at nakatanggap na rin ng notice ang mga abogado ni Mayor danao na binibigyan ng tag-15 days para sagutin, pero nagawa na namin yun. Maybe hinihintay na lamang ang desisyon kasi medyo napakarami rin nilang ginagawa pero base sa aming mga abugado baka lumabas yan anytime this February or 1st week of March. Baka hindi na mag-end ang March eh lalabas na ang desisyon,” pahayag ni Jojo Gastanes, tagapagsalita ni suspended Narra Mayor Gerandy Danao.

Ayon pa kay Gastanes, kampante sila na papabor sa kanila ang desisyon ng Office of the President dahil naibigay nila ang lahat ng kailangan at maayos din ang kanilang naging tugon.

“Base naman sa memorandum namin, malinaw na maganda ang presentasyon ng mga abugado so naniniwala kami on the positive side na maaaring mai-reverse yung desisyon,”Dagdag pa ni Gastanes, kung sakaling hindi pumanig sa kanilang gusto ang magiging pasya ay mag-aapela sila sa Korte Suprema.

“Ano man ang kahihinatnan, nakahanda namang tanggapin yan ni Mayor Danao either negative or positive so handa kami diyan sa magiging outcome ng desisyon ng Malakañang. Anyway we have supreme Court as final arbiter noong kaso,”

Matatandaan na noong Setyembre 24, 2020 ay ibinaba ng Pamahalaang Panlalawigan ang kautusan na patawan ng 20 buwang suspension si Danao dahil sa mga kasong Grave Misconduct, Gross Negligence at Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service.