Naitala na ng Bayan ng Brooke’s Point ang unang local case ng COVID-19 sa bayan ngayong Sabado, Enero 23, 2021. Ayon kay Mayor Jean Feliciano, asawa ito ng isang Konsehal sa bayan na makailang ulit na umanong nakunan ng swab sample bago nag-positibo.
“Parang unang swab test niya ay January 12 pagkatapos nag-negative siya. Then nung parang four(4) days na siya doon sa quarantine facility, pina-home quarantine na siya. Tapos on the sixth day habang siya ay nag-home quarantine ay nagkaroon siya ng symptoms, kaya dinala na siya sa ospital.”
Dagdag pa ni Mayor Feliciano na may kumakalat na impormasyon na galing umano ng Malaysia ang nag-positibo.
“Ngayon sa pag tatanong-tanong ng doktor, ay may nakapagsabi na galing yan ng Malaysia. So doon na nagka suspek na yung doctor so pina-isolate na siya doon sa Southern Provincial Hospital at doon swinab test siya ulit ayun positive na.
Nang tanungin kung anong araw ito dumating sa Palawan galing Malaysia,
“Yun nga eh, una daw kasi sinabi ng asawa December 28, pero sabi naman ng mga malalapit sa kanila January 10 daw yun.”
Mensahe naman ng Alkalde sa kanyang mga nasasakupan na wala dapat ikabahala basta sundin lang ang ipinapatupad na mga health protocols.
“Sa aking mga kababayan dito sa Brooke’s Point ay wag po tayo masyadong kabahan, kontrolado pa rin po natin ang sitwasyon at ngayon po nais po tayo na manatili muna sa ating mga tahanan. Kung may mga lakad tayo na hindi importante wag muna natin gawin.
Samantala magpupulong ngayon araw ang Local IATF ng Brooke’s Point at sisimulan na mag disinfect sa mga gusali at paligid ng Munisipyo. At iimbestigahan din umano nila kung may nangyaring paglabag ang nag-positibo sa ipinatutupad na health protocols ng munisipyo maging ng lalawigan.