Feature

Bagong pasyalan sa isang sitio sa Brooke’s Point, gawa sa recycled materials

By Diana Ross Medrina Cetenta

December 16, 2020

Ibinida ng isang lider ng Sitio Cabar, Brgy. Aribungos, Brooke’s Point, Palawan ang kanilang bagong pook-pasyalan na gawa sa mga recycled material.

“Proud po kaming ibahagi sa inyo na 80 porsiyento po ng aming material na ginamit ay recyclable materials, maging ang aming munting kubo ay gawa sa kawayan. [At] upang ma-preserve po ang mga bato at badjang, di po namin inalis sa kanilang pinagtutubuan nang sa gayon po ay ma-inspire ang mga mamayan na palahagahan ang [kalikasan ng] aming sitio. Maging sa mga Christmas lights at Christmas decorations po ay 80 percent recyclable materials,” ang ibinahaging pahayag ni Brgy. Kgd. Jessica Gloren V. Edora sa Palawan Daily News (PDN).

Sa phone interview, buong galak din niyang ibinahagi ang siyang hatid ng kanilang bahay-pasyalan sa kanilang mga mamamayan.

“Naaawa ako sa iba na normal po talaga sa bukid, medyo hirap, hindi katulad sa City na nakakapasyal sila, nakakakita sila ng pailaw [ng Christmas Tree]. Parang na-inspired ako na ‘Bakit hindi natin kaya na makita ng mga taga-sitio natin, lalo na ang mga nakatira sa bundok, na kahit papaano na may makita silang simbolo ng Pasko?” aniya.

Aniya, nais nilang makapagbigay ng inspirasyon sa mga tao na kahit umiiral ang pandaigdigang pandemya ay kaya pa rin nating iselebra ang Kapaskuhan sa simpleng paraan.

Masaya pa niyang ibinahagi na sa loob ng siyam na araw ay kayang-kayang gumawa ninuman ng simpleng bahay-pasyalan “ng may dating” gaya ng ginawa nilang pook-pasyalan na makulay, at “safe” sa kalikasan. ang bahay-kubo naman na may lutuan, lugar para sa kainan, kwarto ay palikuran ay inihahnda nila kung sakaling may darating na bisita sa kanilang sitio.

“Gusto ko po kasi ma-inspire mga ka barangay ko na makagawa ng munting pasyalan tuwing darating ang Kapaskuhan at di dahilan ang pandemic para huminto sa pag-celebrate ng Pasko at kayang gawin ng nine days [lang],” dagdag pa niya.

Aniya, nagbukas ito para sa publiko simula noong unang linggo ng Disyembre na kung saan ay bukas sila simula umaga hanggang 12 ng madaling-araw.

Photo by Kgd. Jessica Gloren Edora

“Pagka gabi na, may namasyal, may palibreng kape rin nga po kami; may mga merienda rin po ‘pagka gabi tulad ng nilagay kamote, saging,” masaya pa niyang kwento.

Ayon sa kagawad, mula ang mga plastic bottles at plastic cups sa mga residente ng Sitio Cabar habang ang kanilang Christmas tree na gawa sa rolled-bag at mga plastic cups ay pinaglumaan ng isang eskwelahan na kanila lamang pinaganda at sa ngayon ay kinaaliwan na ng kanilang mga mamamayan.

“Ang kahalagahan po no’n is, maliban sa decoration, makakadagdag tayo, makaka-less tayo sa mga basura sa ating kapaligiran at saka sa lugar at saka sa mga recycled na ‘yon, pwede po ‘yong maging kabuhayan. Katulad ngayon, itong mga materials na ‘to, pwede itong gawin bilang Christmas décor at pwedeng ibenta,” aniya.

“Ang message ko lang po [sa aking mga ka-sitio] is, kahit anong pagsubok ang dumating sa atin ngayon ay ‘wag tayong panghinaan ng loob at i-preserve ang pwede nating o-preserve, lalo na po ‘yong mga, katulad ng mga plastik, kailangan po natin ‘yon na mapakinabangan,” ang mensahe pa ni Kgd. Edora.

Samantala, labis namang ikinatuwa ng nasabing opisyales ng barangay na tinugunan ng Palawan Daily News ang ipinadala niyang mensahe sa Page ng PDN.