Provincial News

‘Balik Bayan One Stop Shop’ ng Narra, inilunsad ngayong araw

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 18, 2020

Inilunsad sa Bayan ng Narra ngayong araw ang “Balik Bayan One Stop Shop” na layong matulungang makauwi ang mga stranded na mga indibiwal pabalik sa kanilang mga munisipyo, sa lungsod o labas ng Palawan. Simula ngayong araw ay magsisimula silang tatanggap ng mga aplikante mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Isinasagawa ito sa New RHU Building ng Munisipyo ng Narra.

Ayon kay DILG-Palawan Provincial Director Virgillo Tagle, ang nasabing programa ay base sa inilabas na guidelines ng National Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (NIATF-EID) kamakailan. Sa ngayon, wala pa umanong nakauwi na mga residente base sa nasabing guidelines dahil kasisimula pa lamang ito ngayong araw na ang inatasang magpatupad ay ang DILG.

“More on coordination sa receiving LGU ang part namin,” ani Tagle. Aniya, bagamat hindi required ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa kahalintulad na programa ngunit ang health measures base sa guidelines ay uniform na ipatutupad sa buong Palawan, kasama na ang Puerto Princesa City kung saan, may hinihinging health requirements at procedures bago payagan ang isang indibidwal na makabalik sa kanyang lugar.

Kaugnay nito, mamayang alas dos ngayong araw ay nakatakdang mag-usap ang mga pinuno ng mga concerned official’s ng Provincial Government, City Government, DILG at president ng Mayor’s League sa Palawan sa VJR Hall sa Capitol Complex.

Matatandaang sa Facebookpost ng DILG Narra kahapon ay nakasaad na magsisimula sila ngayong araw ng pag-a-accommodate na mga na-stranded na taga-ibang lugar na nais nang umuwi habang pinapayuhan naman ang mga residente ng Narra na na-stranded sa ibang lugar at nais nang bumalik na mag-asikaso ng mga hinihinging requirements sa mga lugar kung saan sila na-stranded.

MGA PROSESONG DAPAT SUNDIN ayon sa DILG Narra

Kumuha ng Barangay Health Response Team (BHERT) Certification sa inyong barangay na parehong pirmado ng midwife at kapitan ng Barangay na nakasaad na nakatapos na kayo ng 14-days quarantine at walang anumang sintomas ng COVID-19.

Dalhin ang nasabing BHERT Certificate at valid ID sa “Balik Bayan One Stop Shop.” Kayo ay iinterbyuhin ng MDRRMO staff para makuha ang mga pangunahing detalye ninyo.

Pagkatapos, kayo ay kukunan ng vital signs ng MHO staff para matiyak na kayo ay malusog. Ang BHERT Certification at vital signs result ay magiging basehan ng pagbibigay sa kanila ng medical certification ng Municipal Health Officer. Pagkatapos ay ipadadala ng MDRRMO sa pamamagitan ng e-mail ang inyong medical certification sa Provincial Emergency Operation Center na silang mag-aasikaso ng inyong travel authority.

Kapag aprubado na ang inyong travel authority ay ipadadala ito sa DILG na silang mag-i-implementa nito.

Kayo ay aming tatawagan kapag dumating na ang inyong travel authority.

Maaari na po kayong makauwi sa inyong mga bayan-bayan para makapiling ang inyong mga mahal sa buhay.

Idinagdag din ng DILG-Narra na sa mga uuwi sa Narra mula sa pagkaka-stranded sa ibang lugar sa Palawan, ay ipatutupad ang “No Facility Quarantine, Home Quarantine” pag-uwi nila sa kanilang munisipyo habang ang mga na-stranded namang mga taga-Narra na nasa labas ng Palawan ay kailangan din nila ang 14-days facility quarantine.

Sa mga Returning Overseas Filipinos (ROFs) naman sa Narra, ipinabatid nilang ipatutupad ang 14 days’ home quarantine kasama ang buong household. “Ito po ay para matiyak ang kaligtasan ng [mga mamamayan ng] Narra [mula] sa COVID-19,” ayon sa post.