Provincial News

Bangka na may kargang ammonium nitrate at smuggled cigarettes, naharang sa El Nido

By Mary Honesty Ragot

July 09, 2021

Naharang ng Philippine Coast Guard’s (PCG) BRP Cabra ang isang bangka na may kargang 125 na sako ng  mapanganib na ammonium nitrate at apat na kahon ng smuggled na sigarilyo sa karagatang bahagi ng Malampaya Gas Platform noong ika-4 ng Hulyo.

Sa impormasyong ibinahagi ng PCG, nangyari ito habang hinahanap ang isang fishing boat na may sakay na tatlong mangingisda na nawawala at sa huli ay napag-alaman ding ligtas na nakadaong ang mga ito sa Brgy. Bucana sa nasabing munisipyo.

Habang nagpapatrolya at pinapayuhan ang ilang maliliit na sasakyang pandagat na bumalik sa El Nido Port dahil sa sama ng panahon, nakita ng BRP Cabra ang isang kahina-hinalang bangka na may pangalang M/B Escario Express.

“As the Coast Guard approached the boat, it was found to be more suspicious that it might be carrying contrabands as it started to speed up and immediately fled the area.” ayon sa PCG.

Ayon sa ulat ng PCG, inabot pa ng 25 minuto ang habulan bago naharang ang motorbanca at sa isinagawang inspeksyon ay nadiskobre ang kargang mga kontrabando. Wala rin umanong naipakitang mga kaukulang dokumento ang mga sakay nito.

Dinala na sa Coast Guard District Palawan ang mga nakumpiska para sa kaukulang disposisyon.