Environment

Bantay Palawan, may mensahe sa mga ilegalista

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 15, 2020

Nagbabala ang pamunuan ng Bantay Palawan sa mga ilegalista na hindi palalagpasin ang anumang gagawing pagsira ng kalikasan ng lalawigan.

“Sa mga ilegalista, k’unti lang ang lugar na inyong ginagalawan dahil ang Provincial Government ay hindi nagbibiro sa inyong mga ilegal na gawain. Kapag naaktuhan kayo ng Bantay Palawan, alam ninyo [na kung ano ang nararapat naming gawin]; [alam ninyo] naman ang bawal at hindi [di ba]!?” ang pahayag ng Program Manager ng Bantay Palawan na si Richristopher Magbanua mula sa press release ng Provincial Information Office (PIO)-Palawan kamakailan.

Aniya, siniguro ng kanyang liderato na hindi sila nagpapabaya sa pangangalaga sa kalikasan ng Lalawigan ng Palawan sa kabila ng pagiging abala ng lahat na labanan ang COVID-19.

Pagtitiyak pa ni Magbanua sa mga mamamayang Palawenyo, patuloy ang ginagawa nilang pagpapatrolya sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan dahil maaaring magsamantala ang ilang ilegalista na gumawa ng mga ilegal na gawain habang nakatutok ang lahat sa COVID-19.

Maging ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan umano ay hindi rin umano nila palalagpasin kung mapatutunayang pinoprotektahan ang mga gawaing nakasisira sa kalikasan. Kaya mensahe niya sa kanila na agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan at sumangguni sa mga awtoridad sa oras na may maiulat na iligal na gawain sa kanilang lugar.

“May mga ulat ng illegal fishing sa ilang munisipyo sa norte. Ang sabi ng isang kapitan, wala raw, pero patuloy ang pag-report ng mga residente roon. Kapag naaktuhan mismo ng grupo na mayroong nangyayaring iligal na gawain d’yan, talagang magpapaliwanag kayo sa akin,” may diing pahayag ni Magbanua.

Samantala, binanggit din ng Program Manager ng Bantay Palawan na sa kabila ng patuloy nilang pagtutok upang mabantayan ang kalikasan ng lalawigan ay nakikipagtulungan din sila sa mga pangunahing hakbangin ng pamahalaan upang labanan ang nakahahawa at nakamamatay na sakit.