Opisyal nang nagsimula ang Baragatan sa Palawan Festival 2018 ngayong araw, ika-15 ng Hunyo sa pamamagitan ng isang programa na idinaos kaninang umaga sa Capitol Pavilion.
Sa mensahe ni Gob. Jose Ch. Alvarez, binigyang diin niya ang pagsisiguro ng kanyang administrasyon katuwang si Bise Gobernador Victorino Dennis Socrates at Sangguniang Panlalawigan ng Palawan na maibsan ang kahirapan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga kanayunan.
“Objective naming dalawa [ni Bise Gobernador Socrates] ang tulungan ang mahihirap,” ani Gob. Alvarez.
Pinasalamatan din niya ang mga ahensya ng pamahalaang nasyunal sa tulong na ibinibigay ng mga ito tulad ng mga programa at proyekto na makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng Palawan.
“Hindi namin sasayangin ang tiwala na ibinigay sa amin ng mga national agencies lalong-lalo na ang ating national government na kung ano ang hinihingi namin para sa Palawan ay hindi po kami nahihirapan.”
Binanggit din ni Gob. Alvarez sa kanyang mensahe ang patungkol sa paghahati ng lalawigan sa tatlong magkakahiwalay na probinsya na nakikita niyang lalong magpapabilis ng kaunlaran sa bawat nasasakupan.
Ilan sa mga personalidad na nakiisa sa pagbubukas ng Baragatan sa Palawan 2018 Festival ay sina Ilocos Norte Governor Imee R. Marcos, Department of Tourism-MIMAROPA Regional Director Ma. Luisa S. Diploma at Department of Agriculture Assistant Secretary for Agribusiness Dr. Andrew B. Villacorta.
Sa mensahe ni Ilocos Norte Governor Marcos, tinukoy niya ang pagkakaparehas ng kanilang probinsya sa Palawan pagdating sa layuning maibaba ang lebel ng kahirapan sa nasasakupan.
“This is the goal for Palawan and indeed Ilocos Norte that we produce firstly a livable home for each and every one of our citizens, a sustainable environment that is sustainable economically as well as ecologically; and finally that we come together as a resilient people, a society that is able through social thrust and confidence to confront any disaster that climate change may bring upon the western front of the Philippines,” pahayag ni Gov. Marcos.
Bukas din siya sa pakikipagpalitan ng mga gawi at kaalaman para sa patuloy na pagyaman ng dalawang natatanging probinsya.
“Higit sa ganda at likas na yaman, patuloy din ang ating pagyaman sa isa’t isa. Malayo nga ang Ilocos Norte pero dahil sa Baragatan, magsama-sama tayo at magkaisa – matuto sa pinakamagagandang gawi dito sa Palawan at matuto din sa Ilocos Norte.”
Ayon naman kay DOT Regional Director Diploma, ang pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival ay isa lamang patunay na karapat-dapat ang lalawigan sa mga titulong World’s Best Island at World’s Friendliest Island na iginawad ng Travel + Leisure Magazine at Conde Nast Traveler. “This grand celebration – which is a gathering of people and showcase of dances, culture, traditions and resources – makes the province truly worthy of the title World’s Best Island from 2013 to 2017 and World’s Friendliest Island in 2016,” ani Dir. Diploma.
Aniya, dahil sa mga pagkilalang ito ay nakilala ang Palawan bilang ‘top tourism destination’ hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo kung saan nakapagtala ang lalawigan ng mahigit sa 1.5 milyon na mga turistang dumayo para sa taong 2017.
“These [recognitions] elevated Palawan as a top tourism destination rowing 1,571,152 tourists for 2017 and reflecting a 35 % increase in tourist arrival for Palawan from 2016,” dagdag ni Dir. Diploma.
Asahan din umano na handa ang kanilang kagawaran na patuloy na makipagtulungan sa lalawigan para sa ikasisigla at patuloy pang ikauunlad ng turismo nito.
Samantala, ilan sa mga dapat na abangan sa pormal na pagsisimula ng Baragatan sa Palawan Festival 2018 ay ang Mutya ng Palawan, Saraotan sa Dalan o streetdancing competition, iba’t ibang palaro tulad ng frisbee, futsal, darts, table tennis at boxing tournament, Gabi y ang Koltorang Palaweño, GSB Videoke Challenge, Tunog Palawan, Palawan Pop Idol, Palawan Got Talent at ang gabi-gabing mga pagtatanghal sa Kapitolyo.
Nauna nang binuksan sa publiko ang LGU Agro Trade Fair, Barakalan sa Baragatan, Halamanan sa Baragatan at ang Caraenan sa Baragatan na isinabay sa isinagawang soft opening ng pagdiriwang noong ika-8 ng Hunyo.
Ang selebrasyon ng Baragatan sa Palawan Festival 2018 ay bilang paggunita sa ika-116 na taong anibersaryo ng pagkakatatag ng gobyerno sibil ng Palawan.
/PIO PALAWAN