Sa bisa ng Republic Act 11361 o Anti-Obstruction of Power Lines Act ay magiging katuwang ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) ang ilang Barangay sa Lalawigan ng Palawan sa paglilinis ng mga masusukal at pagbawas ng puno malapit sa linya ng kuryente.
Ayon kay PALECO Officer-in-Charge Engr. Ferdinand A. Pontillas, sa ngayon ay Barangay Babuyan dito sa Lungsod ng Puerto Princesa ang unang nakapagbigay ng kanilang Barangay Resolution para makatuwang sa nasabing proyekto.
“ Sila po yung isa sa mga naunang nakapag-submit ng resolution. Actually nabigyan na sila ng kopya ng MOA [ o Memorandum of Agreement at] nire-review na nila. Pag-okay na sa kanila, we can sign that particular MOA,” Ani Pontillas.
Binanggit din nito na ang partnership ng Barangay at PALECO sa paglilinis ng kanilang linya ay makakatulong para maiwasan din ang malimit na pag-akyat ng anumang hayop na nagiging dahilan ng pagkawala ng daloy ng kuryente.
“Sa kontrata po nila is deputation lang po. Pero alam naman po natin yung mga tuko, ahas at etc. [ay] napapadali ang akyat nila sa ating mga assets kung masukal sya. So with removal of those vegetation in the area male-lessen natin yung occurrence ng block out,” pahayag ni Engr. Pontillas.
Aniya hinihintay pa rin nila ang mga Barangay Kapitan na magpasa ng kanilang mga Barangay Resolution bago pag-usapan ang kanilang magiging trabaho at kung magkano ang tatanggaping bayad mula sa kooperatiba.
“Regarding po doon sa deadline kung kalian, actually po we are just waiting for each barangay captain to submit to us yung kanilang resolution. And once they submit, that’s the time we will discussing yung contract… and after signing [ay] implement na namin,” dagdag na pahayag ni Engr. Pontillas.
Samantala, kapag napirmahan na ang MOA ng Barangay at PALECO ay ibibigay ang 20 % mobilization fund, depende sa halaga ng kontrata ang agad ibibigay sa Barangay, para makapagsimula na ng operasyon.