San Vicente, Palawan

Provincial News

Bayan ng San Vicente, nagpasa ng ordinansa sa pagsugpo ng COVID-19

By Diana Ross Medrina Cetenta

July 11, 2020

Bilang bahagi pa rin ng kampanya upang maiwasan ang pagkalat ng coronovirus disease 2019 (COVID-19) , kamakailan ay naghain ng isang ordinansa ang Bayan ng San Vicente tungo sa mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours, pagsusuot ng face masks, at pagbabawal sa pag-inom ng mga alak sa mga pagpublikong lugar.

Sa Facebook post ng Sangguniang Bayan ng San Vicente kahapon, kanilang inilatag ang laman ng Municipal Ordinance No. 11 series of 2020 o ang “The Implementing Curfew Hours, Wearing of Face masks, and prohibiting Liquors’ consumption in public places Ordinance of San Vicente, Palawan 2020” na pirmado nina Mayor Amy Roa Alvarez, Vice Mayor Antonio Gonzales at Secretary to the Sanggunian Gina Aberia-Pacto noong Hulyo 8.

Magtatagal naman ito hangga’t umiiral ang State of Calamity na nasabing munisipyo. Idineklara namang nasa ilalim sa State of Calamity ang San Vicente sa pamamagitan ng Resolution No. 2020-44.

“As part of urgent responses and preventive measures to prevent the entry and possible spread of COVID-19 in this municipality, this Council finds it urgent and vital to legislate appropriate policies restricting the movement of our constituents in this municipality which include among others, liquor ban, wearing of face masks and curfew hours which in many ways possible help combating COBID-19 threat,” ang nakasaad pa sa post.

Sa Section 4 ng nabanggit na ordinansa ay ang ukol sa regulasyon sa liquor ban. Pinapayagan ang pag-inom o pagbebenta ng alak sa San Vicente ngunit kailangang sa loob lamang ng bakuran at sa mga pinapahintulutang lugar gaya ng food court, bar, resto bar, beer house, restaurants at iba pang kahalintulad na lugar. Ngunit kailangan ding ang nasabing mga aktibidad ay alinsunod sa ipinapatupad na standard health protocols.

Maliban sa mga pinahihintulutang lugar, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar na hindi nabanggit sa ordinansa.

 

Mula pa rin sa Section 4, nakasaad ang mandatory na pagsusuot ng face mask. Inaatasan ang lahat na magsuot ng face mask tuwing lalabas ng kanilang tahanan habang ang mga establisyemento naman ay huwag magpapasok ang sinumang walang suot na face mask.

 

Sa Section 5 naman ukol sa oras ng curfew, mahigpit na ipatutupad ang “curfew hours” mula 10 AM hanggang 4 AM, habang 8 PM hanggang 5 AM naman para sa mga menor de edad. Sa loob ng mga nabanggit na oras, mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng “area of residence” at operasyon ng mga negosyo.

Sa multa, P500 o community service ng apat na oras kung hindi makapagbabayad ang ipapataw sa first offense, P1000 o community service ng walong oras kung hindi magbabayad naman sa second offense habang P1500 o 11 buwan na pagkakulong o parehas, depende sa desisyon ng korte para sa third offense at sa mga paulit-ulit na paglabag.

Kapag business establishment naman ang napatunayang lumabag sa ordinansa, ang person-in-charge ng operasyon ang mananagot sa penalty, na kung saan ang business permit at ang license to operate ay isususpende o ikakansela matapos na ipaalam sa kanila at madinig ang third offense.

Kung menor de edad naman ang lumabag ay agad na ipaaalam ng apprehending personnel o authorized personnel ang mga magulang o guardian ng offender at palalayain naman sila kung ang penalty ay ipapataw sa magulang o guardian.

Matatandaan namang noong Martes ay unang naaprubahan sa Sangguniang Panlalawigan ang pag-amiyenda sa ilang probisyon ng existing Provincial Ordinance No. 2245-20 na gaya ng mandatory na pagsusuot ng face mask, curfew at liquor ban na bagamat inalis na mula nang maisailalim sa MGQC ang lalawigan ngunit nagbigay ito ng exemption gaya ng hindi papayagan ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa mga matataong lugar.

Ang nasabing ordinansa ay ang Ordinance No. 33-20 na inihain ni Board Member Ryan Maminta na kung saan ay inatasan ang mga LGU na mahigpit na ipatupad sa kanilang mga nasasakupan ang social distancing, pagsusuot ng face mask o iba pang protective equipment, liquor ban at curfew hours habang ipinatutupad pa ang community quarantine hangga’t umiiral ang state of calamity sa bansa at sa lalawigan.