Pinangunahan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pagpapasinaya at pag-turn-over ng Beaching Ramp Project sa Munisipyo ng Kalayaan kahapon.
Sa inilabas na press statement ng Western Command (WESCOM) na kanilang ibinahagi sa media pasado 11:00 PM, nakasaad na inimbitahan si Lorenzana ng lokal na pamahalaan upang pangunahan ang “makasaysayang” aktibidad sa Brgy. Pag-asa sa nasabing bayan. Kasama rin ng kalihim ang iba pang matataas na opisyales ng nasyunal gaya ni AFP Chief of Staff Felimon Santos Jr. at gayundin ang bagong hirang na pinuno ng WESCOM na si Lt.Gen. Erickson Gloria.
Dumalo rin sa mahalagang araw ang mga opisyales ng LGU Kalayaan sa pangunguna ni Mayor Roberto del Mundo at ang mga residente, law enforcement at security forces ng lugar na sumisimbolo ng mga mithiin at pag-asa ng sambayanang Pilipino ng pagkakaroon ng maunlad na pamayanan na tahimik na naninirahan bilang bahagi ng bansa.
Taong 2017 nang nabuo ang plano ukol sa nabanggit na proyekto at 2018 nang ito naman ay pasimulang gawin hanggang natapos kamakailan.
“The beaching ramp offered opportunities for development that every Filipino aspired for and stronger partnership in Pag-asa. It hopes to trigger increase maritime activities and it can facilitate with greater efficiency and safety the transfer of large volume of goods and people needed for further developments,” ang bahagi ng press statement ng ahensiya.
Sa pamamagitan umano nito ay masisigurado ng komunidad ang tuloy-tuloy na pagsuporta sa kanila ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at NGOs para sa mas mabilis na access nila sa mga serbisyong panglipunan mula sa probinsiyal at nasyunal na lebel.
Nangako naman ang Western Command (WESCOM) na tutupdin nila ang kanilang mandato na protektahan at i-assist ang mga nangangailangang Filipino inhabitants sa nasabing remote area sa Palawan, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, Pamahalaang Panlalawigan at ang lahat ng sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa pangangalaga sa West Philippine Sea.
Kaugnay din nito ay inanyayahan ng pamahalaan ang mga mangingisdang Pilipino, lalong-lalo na ang mga Palawenyo na huwag sayangin ang peak season sa pangingisda at ipagpatuloy ang fishing venture sa West Philippine Sea.
Matatandaang unang inihayag ng tagapagsalita ng Kalayaan LGU na malaking bagay ang matapos ang beaching ramp para sunod na maisaayos ang Rancudo Airtsrip sapagkat makatutulong ito sa mas mabilis na pagdadala ng mga kagamitan.
Samantala, wala namang binanggit ang WESCOM ukol sa balita ng isang national media entity na pagbaba pa lamang nila sa Brgy. Pag-asa ay nakatanggap sila ng text message na nagsasabing “Welcome to China!” at may mga umaaligid na umano’y barko ng China habang isinasagawa ang ribbon cutting.
Discussion about this post