Araceli Mayor Noel Beronio

Provincial News

Beronio, tuloy sa trabaho bilang alkalde ng Araceli kahit work-from-home

By Diana Ross Medrina Cetenta

July 07, 2020

Kasabay ng pagkumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Palawan na umaakto na bilang alkalde ng Araceli si Mayor Noel Beronio, kahapon ay siya rin ang dumalo sa virtual forum na dinaluhan ng mga lokal na pamahalaan ng lalawigan ukol sa laban kontra coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Sa nasabing online activity na “Mag-ampang Kita” (Mag-usap Tayo) na na pinangunahan ng DILG-Palawan, ani Beronio, siya ang tinawagan ng DILG at siya rin ang kinilala ng ahensiya sa roll call.

“[The activity was] all about [the] continuing provincial-wide implementation of COVID-19 protocols with close monitoring of DILG,” dagdag pa niya.

Mula sa kanyang tahanan, dumalo si Beronio sa nasabing aktibidad na nagsimula bandang 10 ng umaga at natapos naman kinahapunan. Aniya, Hulyo 29 ang unang pag-upo niya sa pwesto bilang alkalde at nagsasagawa ng work-from-home (WFH).

Ipinabatid din niyang siya rin ang dumalo sa pagpupulong ng Municipal IATF ng Araceli kamakailan, kasama ang DILG.

Araceli Mayor Noel Beronio

Nang tanungin kung siya na ang kinikilalang punong bayan ng Araceli ay sinabi niyang “Pwedi po. Kasi sa atin naman nagko-coordinate ‘yong Municipal Local Government Operations Officer [ng DILG].”

At ukol sa mga transaksyon ni Mayor Sue Cudilla sa ngayon, binanggit ni Beronio na iyon ay ang mga tseke at voucher mula Hunyo 2 hanggang 29 na otorisado pa siyang pirmahan ngunit anuman umanong transaksyon matapos iyon ay hindi na saklaw ni Cudilla dahil hindi na siya ang nasa panunungkulan batay sa kautusan ng korte.

Sinubukan namang kunan ng Palawan Daily News ang reaksyon ni Mayor Sue Cudilla ukol dito ngunit gaya ng dati ay wala pa ring pahayag ang kanilang kampo.

Sa kabilang dako, mariing pinabulaanan ni Beronio ang napabalitang pinaputol niya ang patubig sa Bayan ng Araceli.

“Ay hindi po pinaputol [kundi] sinara lang ‘yong pinto kasi nga pinapaalis ko na ‘yong tao na naka-assigned do’n kasi napakarumi ng water reservoir kasi ninanakaw ‘yong takip na trapal sa reservoir tank,” aniya.

Ngunit sa ngayon umano ay tuloy-tuloy na ang serbisyong patubig sa kanilang lugar maliban na lamang kahapon dahil binasag ang main pipe ng kanilang water line na agad na rin umano niyang pina-emergency repair.