Provincial News

Bienvenido Vallever Command, tinawag na ‘peke’ ang 9 rebel returnees

By Diana Ross Medrina Cetenta

June 09, 2020

Tahasang tinawag ng Bienvenido Vallever Command (BVC)-Bagong Hukbong Bayan Palawan na “peke” ang siyam na napabalitang rebel surrenderees na kamakailan ay tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa pamahalaan.

Sa ipinadalang impormasyon ng tagapagsalita ng BVC na si Salvador Luminoso kamakailan, binanggit niyang ang iprinisentang mga nagbalik-loob na NPA member noong ika-5 ng Hunyo na binigyan ng tig-P65,000 at tig-P25,000 ay kagaya rin umano ng ginawa ng gobyerno noong Pebrero na sinabi nilang may dalawang katutubong Palaw’an na nagbalik-loob sa gobyerno dahil sa ‘pagod’ na umano sa armadong pakikibaka.

“Naninindigan ang Bienvenido Vallever Command na ang siyam na sibilyang ipineresenta ng Wescom ay hindi mga kasapi ng NPA bagkus ay mga sibilyang walang kaugnayan sa rebolusyunaryong kilusan. Hindi na magtataka ang BVC kung ginamitan sila ng pananakot at presyur upang mapapayag na magpanggap bilang mga rebel returnee,” ani Luminoso.

Ipinaalaala pa niyang, ang ginamit na pera para sa nabanggit na mga rebel returnees ay nagmula sa kaban ng masang Palawenyo na ngayon ay nagtitiis umano sa gutom at kahirapan ng buhay dulot ng pandemyang COVID-19. Aniya, dapat na ginamit na lamang ang naturang salapi na pang-ayuda sa mga Palawenyong–Locally Stranded Individuals (LSI) at halos pulubi na ang katayuan sa Kamaynilaan at iba pang panig ng bansa.

Ani Luminoso, “katakawan sa kasikatan at salapi” ang tunay na dahilan kung bakit sa gitna ng krisis sa COVID-19 ay nasisikmura pa ni Palawan Gov. Jose Chaves Alvarez “na magparada ng mga pekeng surrenderees.”

Tinuligsa rin ng grupo maging ang pinakabagong talagang pinuno ng Wescom na si Lt.Gen. Erickson Gloria.

“Hayagan nilang niloloko ang kanilang mga sarili na nakakapuntos ang JTF-Peacock laban sa rebolusyunaryong kilusan, kahit pa pauli-ulit nilang ini-extend ang di umano ay pagpulbos sa rebolusyunaryong kilusan sa Palawan,” giit pa ng BVC.

Tanong pa ng tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan Palawan kung magkano ang tinanggap na pondo ng mga pekeng surrenderee ang napunta sa bulsa ng mga opisyal ng Wescom, JTF-Peacock at PPTF-ELCAC.

“Dapat ng itigil ni JCA ang kanyang kahibangang PPTF-ELCAC at ituon na lamang ang pansin sa pagsasaayos ng kabuhayan ng masang Palawenyo na matagal nang umaalma laban sa mga dayuhang minahan at plantasyon, sa malabis na kagutuman at matinding kahirapan na pinapasan na higit na pinag-ibayo pa ng pandemyang COVID-19,” mensahe pa ng spokesperson ng NPA –Palawan.

Habang sinusulat naman ang balitang ito ay hinihintay pa ng Palawan Daily ang magiging pahayag ng PTF-ELCAC at ng tanggapan ng Gobernador laban sa mga isyung ibinabatong muli ng BVC laban sa kanila sa kasalukuyan.