Provincial News

Biik, ipinamahagi ni Cong. Acosta

By Michael Escote

September 11, 2019

Namahagi ng mga babaeng biik na maaring maging inahin ang tanggapan ni 3rd District Representative Atty Gil Acosta Jr dito sa lungsod ng Puerto Princesa at sa bayan ng Aborlan.

Ito ay kasunod na rin ng paglilinaw ng Department of Agriculture na napigilan na ang paglaganap ng African Swine Fever na nanalasa sa mga baboy sa lalawigan ng Rizal at Bulacan noong nakalipas na mga linggo.

Ayon sa tanggapan ni Acosta, layunin ng pamamahagi ng baboy ay para madagdagan ang kita ng mga nangangailangang mamamayan.

Kapag napaanak na umano ng benepisyaryo ang inalagaang baboy ay kukuha ulit ang Livelihood Program ng dalawang babaeng biik para ipamahagi muli sa mga bagong benepisaryo.

Kaugnay nito ay nanawagan ang tanggapan ni Acosta sa mga residente na nagnanais na mag alaga ng baboy na agad tumungo sa kanilang tanggapan sa Bgy Bancao-Bancao, Puerto Princesa City.

Bukas umano ang kanilang programa para sa sinomang residente ng Lunsod ng Puerto Princesa at Bayan ng Aborlan na handa at may kapasidad na mag-alaga ng mga baboy.

Ang pammahagi ng baboy ay bahagi lamang umano ng Ang Kabarangay JR Livelihood Program na programang pangkabuhayan ni Acosta na sinimulan pa noon ng kaniyang amang si dating Congressman Gil Acosta Sr.