Provincial News

‘Black Valentine Protest’ vs sa panggigiit sa mga kooperatibang pang-enerhiya, isasagawa

By Estrella Miranda

February 12, 2019

Itim ang kulay ng Araw ng mga Puso ng 121 electric cooperatives sa buong bansa.

Ito ang ilulunsad na protesta ng mga kawani ng mga kooperatibang pang-enerhiya sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa darating na Pebrero 14 sa mga hindi makatarungang hakbang ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso G. Cusi laban sa kanila.

Matatandaang nagpasa ng rekomendasyon kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Energy Secretary Cusi para ipakansela ang prangkisa ng 17 electric cooperative nang hindi man lang dumaan sa tamang proseso ng pagtatasa.

Ilang linggo matapos na makatanggap ng mga batikos, binawi rin ni Cusi ang naturang rekomendasyon ngunit hindi na nito mababawi ang pinsalang naidulot sa imahe ng mga kooperatibang pang-enerhiya.

Layunin din sa Black Valentine Protest na maipahayag ang pagkadismaya kay Cusi na siyang inaasahang tagapagtanggol sana ng mga electric cooperatives at ng programang pagpapailaw ng mga ito ngunit kabaligtaran ang nangyayari dahil mas pinapaboran pa niya ang mga pribadong kumpanya.

Bahagi rin ng isasagawang protesta ang pag-alma sa pag-aproba ng kongreso sa House Bill 8179, isang panukalang batas na nagbibigay ng 25 taong prangkisa sa Solar Para sa Bayan (SPSB) Corporation na pag-aari ni Leandro Leviste, anak ni Senator Loren Legarda.

Mariing kinukuwestiyon ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca) ang motibo sa likod ng House Bill 8179 dahil nilalabag ng panukalang batas ang franchise area ng mga electric cooperative at ang ilang probisyon din nito ang sumasalungat sa nakasaad sa Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).