Provincial News

BM Abiog Onda: Tangkilin ang sarili nating turismo

By Chris Barrientos

July 13, 2020

Hinihikayat ni Board Member Sharon Abiog-Onda ang mga Palaweño na tangkilikin ang sariling atin at bisitahin ang magagandang lugar sa lalawigan habang nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine ang probinsya.

Ayon kay Onda na siyang Vice Chairman ng Committee on Cultural Heritage and Tourism Development ng Sangguniang Panlalawigan, sa panahon ngayon na hindi pa bumabalik sa normal ang lahat dahil sa COVID-19 pandemic, magandang pagkakataon anya ito upang tuklasin ang angking ganda ng Palawan.

“It’s really time to appreciate our local tourist spots, kasi noong mga nakaraang panahon, talagang ang inaabangan natin ay promo fares papunta sa iba’t-ibang lugar, sa iba’t-ibang bansa. Ito ‘yong panahon natin para ma-appreciate yong nandito lamang sa ating probinsya o maging kahit lamang sa bayan natin,” ani ni BM Onda.

Dagdag pa nito na malaki rin ang maitutulong ng pagkilala ng international publication na “Travel + Leisure” magazine sa Palawan bilang isa sa mga “Best Island in the World” kaya bago anya ang iba, mas mainam na ang mismong mga mamamayan na nito ang unang makatuklas na siya namang maipagmamalaki sa ibang turista mula sa loob at labas ng bansa sakaling muli nang buksan ang turismo sa Palawan.

“Narerecognize ang Palawan worldwide, hindi lang buong Pilipinas. So, madali ‘yong muling pag-aanyaya, muling pagbubukas ng turismo kung sakaling payagan na, kung sakaling safe na, kung sakaling medyo pababa na ‘yong kaso ng COVID-19,” dagdag pa ng bokal.