Provincial News

BM Maminta, walang problema sa Paleco billing scheme

By Chris Barrientos

May 13, 2020

Kuntento si Board Member Ryan Maminta, ang Chairman ng Committee on Energy ng Sangguniang Panlalawigan sa naging paliwanag ng PALECO kaugnay sa ipatutupad na billing scheme sa panahong nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Palawan dahil sa COVID-19.

Sa interview ng programang “Chris ng Bayan” sa Palawan Daily Online Radio, sinabi ng bukal na maasyos naman at malinaw na naipaliwanag ng mga kinatawan ng kooperatiba ang sistema sa bayarin sa kuryente para sa mga buwan ng Marso at Abril.

Marahil anya ay hindi lang naipaliwanag ng mas mabuti noong una kaya hindi agad naintindihan ng mga konsumedores ng PALECO ang bagong sistemang ito at umani ng mga negatibong reaksyon.

“Medyo naliwanagan tayo doon sa kanilang sistema kasi mayroon silang ginawang presentation ng averaging base doon sa order ng Energy Regulatory Commission na gagawin nila para sa buwan ng Marso at Abril. Inihalimbawa namin ang bill ng isang kasama naming board member at lumabas doon na mas mababa nga s’ya sa computation ngayon ng PALECO kumpara sa kung actual reading ang gagamitin,” ani Maminta sa panayam ng Palawan Daily.

Magkagunpaman, pinayuhan parin ni Maminta ang lahat na maging mapagmatyag at suriing mabuti ang kanilang electric bills at kung may katanungan ay ipagbigay-alam kaagad sa PALECO para sa agarang aksyon.

“Malinaw naman pero dapat parin tingnan nating mabuti ang mga bills natin para makatiyak tayo na tama ang lahat. Kasi base sa paliwanag ng PALECO, mas mababa talaga ang virtual reading nila sa kung mag-actual ka. At para sa commercial meters, talagang mas mabab at pwede pa mag-negatibo at lalabas na parang may utang pa si PALECO sa kanya,” dagdag ng opisyal.

Samantala, maging ang dalawa pang electric cooperative na nag-ooperate sa island municipalities ay titingnan narin ni Maminta para makatiyak na tama ang magiging bills ng mga consumers nito at Makita kung sinusunod din ang inilabas na guidelines ng ERC.

“Titingnan natin ‘yung ibang kooperatiba para malaman at kung paano makatulong doon sa kanila [retail electricity suppliers] na pinapatakbo ng provincial government katulong ang NAPOCOR at makikipag-ugnayan tayo kung ganito ang gagamitin nila para makatulong din sa kanilang consumers,” pagtitiyak ni Maminta.

Matatandaan na ipinatawag ngprovincial board ang mga opisyales ng PALECO at isinalang sa kanilang question and answer hour upang ipaliwanag at bigyang linaw ang ipatutu[ad na billing scheme.

Una rito, humarap din sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod ang PALECO officials sa kapareho ring kadahilanan.