Tumigil na sa paghahanap ang ilang ahensya ng gobyerno na nagtulong-tulong kamakailan upang makita ang labi ng isang 10-anyos na Grade 5 student mula sa Brgy. Canipaan, Rizal, Palawan na sinakmal ng buwaya habang nangingisda at naliligo ito kasama ng mga kaibigan noong ika-28 ng Agosto pasado 10:00 ng umaga.
Ayon kay PCSD Spokesperson Jovic Fabello, napagpasyahan ng kanilang grupo na itigil muna ang paghahanap sa bata at nagkaroon ng pagpupulong kasama ang mga opisyales ng barangay at ng pamilya ng biktima upang ipaliwanag sa mga ito ang resulta ng ginawa nilang paghahanap at pagkatapos ay tumungo naman sila sa opisina ng Alkalde ng Rizal.
“After three days and two nights na paghahanap ay nagpasya muna ang team na itigil muna yong paghahanap gawa ng na-saturate narin natin yong area…and marami pang factors na katulad nong pa-ulan-ulan, pagbaha doon sa area tapos yong travel order din kasi ng team hanggang Tuesday lang eh i-extend na natin hanggang Wednesday at wala narin kaming budget…so pansamantala tinigil muna natin yong paghahanap,” ani ni Fabello.
“At iyon na nga kahapon ng umaga ay nagkaroon tayo ng isang malaking pagpupulong doon sa area kasama yong barangay at ng pamilya…so d-discuss sakanila yong mga findings ng team at yong mga posibilidad na puwedeng mangyari,” saad ni Fabello.
“And then after that nakaalis sila doon after lunch pumunta sila sa office ni Mayor Ong sa Rizal sa Munisipyo at nagkaroon ng exit meeting…so hindi ko pa alam kung ano ang resulta ng exit meeting kasi pagbalik ng team inaantay naming ngayon hanggang bukas para magkaroon kami ng debriefing at mapag-usapan kung ano-ano yong mga susunod na hakbangin patungkol diyan,” dagdag pa ni Fabello.
Dagdag pa ni Fabello, may nakita silang pulang shorts sa bakawang bahagi ng Canipaan River at dito ay kanilang kinuha upang kumpirmahin ng pamilya at sinabing mismong shorts ito ng biktima noong araw na nangyari ang pananakmal ng buwaya.
“Well actually noong Tuesday ng hapon mga bandang 4:00 P.M may nakita silang shorts pants na pula na nakasabit sa bakawan…ni-retrieve nila iyon [at] pinakita doon sa pamilya at confirm ng pamilya na iyon nga yong suot na shorts ng bata during the time na kinagat siya ng buwaya,” ani ni Fabello.
Sinubukan pa umano ng grupo maghanap noong Lunes ng gabi at dito ay marami umano silang nakitang mga buwaya sa ilang bahagi ng Canipaan River. Paniwala naman ng PCSD, hindi umano kayang ubusin ng isang buwaya ang katawan ng 10-anyos na lalaki at posible umano na kinain rin ng ibang mga buwaya sa lugar ang katawan ng biktima maging ng ilang mga uri ng hayop na naninirahan sa Brgy. Canipaan.
“But yon lang ang nakita among other things…yong katawan ay hindi parin natin na l-locate kung nasaan and yong possible scenario kasi actually yong nag night-spotting sila noong Monday night…marami silang nakitang mga buwaya doon sa area mga around ng bilang mga 23 na ibat-ibang sizes,” ani ni Fabello.
“So ang mga possibility na considering yong laki ng bata na ten years old at yong mga buwaya na nandoon sa area…maaring hindi kayang ubusin agad ng buwaya yong parte na nakagat niya sa bata…ngunit may posibilidad na baka yong ibang buwaya doon eh yong ibang i-iwanan niya ng katawan ay baka nakagat din ng ibang buwaya,” paliwanag ni Fabello.
“Kasi after mga 2 days na iyan or 3 days na d-decompose na yong katawan at siyempre kung hiwa-hiwalay na maaring kainin din ng isda or ng mga bayawak na nandoon,” dagdag pa ni Fabello.
Nakausap naman ng grupo ng PCSD ang tiyuhin ng biktima at aminadong gustong huliin ang mismong buwaya na pumatay sa kanyang pamangkin upang ipaghigante ito bagay na kanilang nilinaw at sinabihang maging mahinahon at baka mali ang mapatay nilang buwaya sa lugar dahil sa dami ng bilang nito.
“Kasi alam naman natin na talagang matindi yong galit ng pamilya…at ang caution nalang naming sa kanila is huwag nalang gagawa ng hakbangin nab aka ikapahamak din nila…kasi may mga agam-agam na baka gusto nilang gumanti o patayin,” ani ni Fabello.
“Actually nakausap ko yong uncle ng pamilya dito sa opisina at talaga ang unang plano ng pamilya ay gantihan at patayin yong buwaya…although na-explain ko narin sa kanila na baka yong buwaya na nakakagat ay hindi rin iyon ang mapatay nila and baka during the time nang pag h-hunt nila eh imbes na mapatay nila yong buwaya ay sila pa ang makagat ulit,” saad ni Fabello.
“At idinagdag ko doon sinabi ko sa uncle na aside from that ay baka magkakaso pa tayo kasi nga under ng Wildlife Act yan ay protected species…at sabi ko for the safety of everybody hindi narin natin maibabalik yong dati kahit patayin mo lahat ng buwaya diyan ay kumalma nalang muna tayo,” dagdag pa ni Fabello.
Samantala, kahit na tumigil na sa paghahanap ang tanggapan ng PCSD kasama ng ilang mga ahensya ng gobyerno ay magpapatuloy parin sa paghahanap ang mga residente ng Brgy. Canipaan sa pagnanais na makita pa ang mga labi ng biktima. Paalala naman ng PCSD sa mga residente ng nasabing lugar, na kung ipagpapatuloy nila ang paghahanap ay ibayong pag-iingat at hanggat maari umano ay huwag basta-bastang lulusong sa tubig upang maiwasan ang ganitong klase ng insidente.
Discussion about this post