Dumating ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa Palawan, kahapon ika-04 ng Agosto 2022, matapos ang matagumpay na maritime patrol misyon sa katubigan ng West Philippine Sea at pagdadala ng mga esensyal na kagamitan patungo sa mga isla ng Patag, Likas, Lawak at Pag-asa na kinasasakupan ng Coast Guard Station Kalayaan sa Munisipalidad ng Kalayaan.
Kaakibat din sa nasabing misyon ang pagdadala ng mga kagamitan para sa paghahanda sa darating na muling pagsisimula ng klase ngayon Agosto sa Isla ng Pag-Asa upang itaguyod ang kahalagahan ng edukasyon sa kabila ng mapaghamong pandemya at kalamidad na humagupit sa isla ng Pag-Asa.
Isa din sa pangunahing misyon ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) kasama ang BRP Malapascua (MRRV-4403) ay pagbibigay seguridad sa sasakyang pandagat na Unaizah May 2 upang mag hatid ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nakatalagang kasundaluhan sa BRP Sierra Madre (LS-57) sa Ayungin Shoal.
Ang matagumpay na paghahatid ng ayuda sa BRP Sierra Madre ay bunga ng aktibong pakikipagtulungan at ugnayan ng Coast Guard District Palawan sa Naval Forces West at Western Command ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Pagkadaong sa syudad ng Puerto Princesa ay nakipag-ugnayan ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa lokal na Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, LGUs at ibat-ibang ahensya ng Pamahalaan upang agarang maibaba at maiparating sa mga kababayang Palaweño ang mga relief packs, esensyal na mga gamot, hospital beds, medical equipment at iba pang pangunahing suporta mula sa Pamahalaang Nasyonal.
Tinatayang dalawampung tonelada ang kabuuang kargamento ang nadala sa lalawigan ng Palawan, na naibaba sa tulong ng mga estudyante ng Coast Guard Special Operations Force. Kasama na din dito ang ibat-ibang gamit para sa Coast Guard K9, Coast Guard District Palawan at 3rd Marine Brigade.
Bumisita at nagbigay ng pagpupugay naman ang Punong Tagapamahala ng BRP Teresa Magbanua, CG CDR Erwin T. Tolentino kasama ang kanyang Pangalawang Pinuno na si CG CDR Artzell M Anacan sa pamunuan ng Coast Guard District Palawan kay COMMO Rommel A. Supangan at nag ulat ng detalye sa kasalukuyang sitwasyon sa West Philippine Sea at sa katatapos lamang na misyon sa Ayungin Shoal para sa BRP Sierra Madre (LS-57).
Ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) ay 97-meter Multi-Role Response Vessel ng PCG, at ipinangalan kay Teresa Magbanua ang “Visayan Joan of Arc”. Ang MRRV-9701 ay nabili bilang kabahagi sa proyekto ng MSCIP Phase 2 sa ilalim ng ugnayan ng JICA-Philippines. Naitalaga at nakumisyon sa PCG noong ika-3 ng Mayo 2022 upang palakasin at pag-ibayuhin ang kaligtasan, seguridad, pagpapangalaga ng karagatan at pagpapatrolya sa soberenya ng Pilipinas.