Walang tigil ang isinasagawang paghahanap ng mga kinakaulan sa isang 10-anyos na Grade 5 student matapos itong atakihin ng buwaya noong Linggo, ika-28 ng Agosto, pasado 10:00 AM sa Brgy. Canipaan, Rizal, Palawan.
Tulong-tulong sa paghahanap sa kinaroroonan ng labi ng batang lalaki ang tanggapan ng MDRRMO Rizal, PNP Rizal, 18th Special Forces ng Philippine Army, PCG, MENRO Rizal, Crocodile Farm Puerto Princesa, at ng PCSD Quezon, Palawan.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Palawan Provincial Police Office (PPO), maliligo at mangingisda lamang sana umano ang biktima sa Canipaan River kasama ang mga kaibigan nito ng bigla na lamang umano itong atakehin ng buwaya at dinala sa katubigan.
Ayon naman kay Palawan Council for Sustainable Development Spokesperson Jovic Fabello, kahapon pa lamang ay nag-umpisa na sila sa paghahanap kasama ang ilang mga ahensya ng gobyerno.
“Actually nag-umpisa tayo nung dumating yung team doon kahapon [Agosto 29, 2022] mga late na ng 3:00 o’clock so nag start na tayo mga 4:00 P.M and nag start na tayo ng search and retrieval operation…so yong team ay ginalugad ang kahabaan ng Canipaan River at hanggang upstream siguro inabot tayo ng mga 10 kilometro ngunit sa kasamaang palad ay hindi pa rin natin nakita ang katawan yong sinasabing biktima nang pag-atake ng buwaya,” ani ni Fabello.
“So kanina maaga sila nagsimula mga 6:00 ng umaga at ang plano nilang baybayin o tingnan ay yong mga sanga-sanga sa may bahagi ng Canipaan River,” dagdag pa ni Fabello.
Ipinaliwanag naman ni Fabello na ang buwan ng Agosto ay breeding season umano ng mga buwaya sa lalawigan ng Palawan kung kaya’t agresibo at masyado umano territorial pagsapit ng mga ganitong buwan ng taon.
“Actually nagsisimula iyan sila ng mga June, July, August ganyan…so minsan nga nag e-extend pa hanggang Setyembre yong breeding season nila,” dagdag pa nito.
“Pero ayon din sa ating scientific data dito sa Palawan…hanggang katapusan ng buwan ng Agosto ay breeding season pa ng mga buwaya kaya medyo agresibo talaga sila. Very territorial because mayroon silang mga itlog na inaantay nilang mapisa kaya pinoproteksyunan nila yong territory nila,” patuloy pa nito.
Dahil dito ay nais naman mas mapalawig pa umano ng PCSD -ang kanilang kampanya patungkol sa higit na kaalaman sa mga buwaya partikular na sa mga tao na naninirahan malapit sa mga ito.
“Well ah yong intervention natin diyan ay paigtingin pa natin dyan yong ating information-drive…kasi before naglagay kami diyan ng mga karatula sa mga areas na alam natin na may populasyon ng mga buwaya at nagkaroon na ng mga insidente,” ani ni Fabello.
“Last month naman andiyan kami sa Rizal at sinabihan namin sila kaya lang nga ay hindi naman natin maiwasan na may ganito pang mga pangyayari,” saad ni Fabello.
“Ang problema lang kasi sa mga ibang mga areas katulad na lamang sa Bataraza ay naglalagay din kami pati sa Balabac yong may mga areas na may buwaya yong mga karatola kasi [kung] minsan ay nawawala…nakukuha ng iba diyan kaya [kailangan] ulit-ulitin yong paglagay ng mga paunawa mga warning signs para at the same time siguro mas maganda kung mag information awareness campaign…lahat na siguro ng mga barangay na mayroong population ng buwaya diyan sa area,” paliwanag pa ni Fabello.
Samantala, aminado naman ang pamunuan ng PCSD na hirap silang hanapin ang katawan ng batang lalaki dahil umano sa lawak ng Canipaan River maging ang pagkakakilanlan ng mismong buwaya at nagsasagawa narin sila ng ilang mga hakbang upang matukoy at mahanap ang mismong buwaya na sumakmal mismo sa biktima.