Provincial News

Concerned citizen, nababahala sa mapanirang istilo ng pag-aani abalone sa isang bahagi ng Roxas

By Diana Ross Medrina Cetenta

May 15, 2020

Isang concerned citizen mula sa Munisipyo ng Roxas ang nagpaabot ng kanyang pagkabahala sa Palawan Daily News sa aniya’y mapanira na kapamaraanan sa pag-aani ng abalone sa kanilang bayan.

Ayon sa ginoong ayaw nang magpabanggit ng pangalan, nababahala umano siya sa sitwasyon ng mga bahura sa kanilang lugar sa Green Island, Brgy. Tumarbong na kasabay ng pangunguha ng abalone ay naiiwang nakatiwangwang na lamang ang mga bahura sa isla.

Kinumpara niyang ginagawa ang pangongolekta sa umaga at sa gabi. Aniya, kapag umaga naman ay binabaliktad ng mga nag-aani ng abalone ang mga bato o bahura para makita umano kung may nakadikit na shells sa ilalim nito na kadalasan ay hindi na nila ibinabalik sa dati.

“Kawawa ang buong bahura sa Roxas kung [tuloy-tuloy na] payagan ang pangongolekta ng abalone at may namimili….Ang mga tao, [Kung alam nilang] mayroon pang namimili, ngayon, kung gabi ang pangunguha [sana pero] ang iba, umaga nag-o-operate, basta may buyer,” ayon sa concerned citizen.

Ang kanyang pagsusumbong umano ay upang hindi masabihan ng mga kinauukulan na walang may concern sa karagatan at kalikasan.

Nang tanungin sa sitwasyon sa kasalukyan, sinabi niyang matindi na ito at nagdudulot pa ng panganib sa iba.

“Nakabaligtad ang mga bato, binabaligtad [kasi] nila, tapos ang iba nakatayo. Ang mga bangka, [minsan] nagkakada-bunggo-bunggo na ang mga elesi nila,” dagdag pa niya. “Delikado nga, purwesyo sa mga bangka kung dadaan ka, mahihirapan ka kay kung gabi, kailangan mong mag-ingat….,” aniya.

“Kung pumupunta ako sa siwiran (seaweeds farming area), tinitingnan ko ang mga bahura, puro nakabaligtad na talaga ang mga bato, sira talaga, ‘yung pa naman ang tahanan ng mga isda. Mawawala na ang mga isda kung ganyan,” aniya.

Muli niyang iginiit na hangga’t may bumibili ng abalone ay magpapatuloy din ang nakaaalarma umanong sitwasyon ng bahura sa nasabing isla.

“Kung hindi mapa-stop ang pamimili ng abalone, tuluyan talagang masisira ang mga bahura rito,” ayon pa sa nagmamalasakit na indibidwal.

Aniya, kung gabi sana umano gagawin ang pangongolekta ng nasabing seashells ay kusa lamang itong lumalabas sa pinagtataguan nilang bato kaya hindi na sana kailangan pang baligtarin ang mga bato ngunit mas marami umano ang gumagawa nito sa umaga.

AKSYON NG PCSD

Sa hiwalay na panayam naman kay PCSD Staff Spokesperson John Vincent “Jovic” Fabello, binanggit niyang tinawag na nila ang pansin ng lokal na pamahalaang Bayan ng Roxas.

“Allegedly, mayroon ata silang ordinance na ipinagbabawal ang pangongolekta ng Abalone. Pero under naman sa Wildlife Act, in-allow naman ito basta mayroon silang Wildlife Special Use Permit at siyempre ‘yung pangongolekta nila ay hindi katulad ganun sa report—na tinataob ‘yung bato, sinisira ang mga korales para lang makuha,” ani Fabello.

Aniya, kailangan ang Wildlife Special Use Permit bago mapapayagang makakolekta ng economically important species na gaya ng abalone.

“Kasi sabi naman sa information na galing sa munisipyo, ang mga abalone naman daw ay lumalabas naman daw ‘yan sa gabi sa ilalim ng bato. So, hindi na nila kailangang itaob pa, bungkalin ang mga korales doon kung sila ay kailangang maongolekta, [dpaat] sa gabi. Ang nangyayari kasi, nangongolekta sila sa araw kaya kailangan nilang gawin ‘yun.

“Mayroon pa ngang mga nagsasabi na minsan, may gumagamit pa nga raw ng Zonrox para lumabas ang abalone. So, ‘yun ‘yung hindi magandang pangyayari na hopefully na ma-check natin with the LGu sa mga darating na araw,” dagdag pa ni Fabello.

Kailangan pa umano nilang mag-usap ng LGU kaugnay sa aksyong gagawin, at kasalukuyan ay gumagawa pa umano sila ng validation sa report. Nakalulungkot lamang umano na mas pinipili ng mga tao ang pangunguha ng nasabing shells sa umaga dahil hindi na sila kailangan pang gumastos ng baterya sa flashlight o anupaman ngunit nasisira naman ang mga korales at ang iba pang mga kaakibat na mga habitat ng abalone.

“Nagtataka ako na ang area diyan sa Tumarbong diyan sa Roxas, pati sa part ng Green Island, mayroon diyang protected areas and very active ‘yung mga community diyan sa pagpoprotekta ng marine protected areas tapos mayroon na namang lalabas na ganitong mga pangyayari, mukhang taliwas doon sa reputation nila na pinangangalagaan nila ‘yung kanilang ecosystem,” saad ni Fabello.

Magkagayupaman, kailangan pa rin umano nilang i-validate ang isyu kung ang gumagawa ba nito ay mga residente ng Green Island o mga dayo lamang at tiniyak na gagawa sila ng tamang hakbang ukol dito.

“Dini-disregard din natin sila na kumuha ng pangunguha ng mga young pa, ng mga bata pang abalone kasi sayang naman at lalaki pa ‘yun,” mariin pang sinabi ng tagapagsalita ng PCSDS.