Naniniwala si Provincial Risk Reduction Management Officer (PDRRMO) Jeremias Y. Alili na may intensyong itago ang impormasyon sa naging biyahe ng asawa ng Sangguniang Bayan (SB) Member sa Brooke’s Point, Palawan na ngayon ay positibo sa COVID-19.
“Sa tingin ko walang po naging palakasan dito dahil talaga lahat po kami ay hindi alam kung papaano at aan siya nanggaling? Dahil talagang hindi sya nagbigay ng information and there is an attempt na itago nila yung kanilang byahe.” ani Alili.
Inamin din ni Alili na nahihirapan sila contact tracing sa nagpositibong Returning Overseas Filipino (ROF) dahil sa magkakaibang pahayag sa naging biyahe nito mula sa bansang Malaysia pabalik sa Palawan.
“Magkaiba po ang binabanggit nilang date. May nagsasabi na 27 December 2020 at may nagsasabi ng January 10, so either of the two parehong may problema po Yun. Kung 27 po at sinasabi na nag-quarantine bagamat wala namang record ng quarantine eh malaki ang magiging problema ng Rio Tuba kung sinasabing sa Riotuba nag-stay. Pero kung January 10 eh yung Brooke’s Point naman po although sa ngayon ay inaayos na,”
Dagdag pa ng pinuno ng PDRRMO kung sakaling magmamatigas parin ang pasyente ay ipapaubaya na nila sa PNP ang pag-iimbestiga upang malaman ang katotohanan.
“Yun po ang isa sa hindi pa sinasagot sa atin ng maayos kaya po sinisikap natin na makuha, kapag wala pa rin yan maibigay na tamang sagot kung saan may kasama sa mga biyahe eh siguro ang kaso niyan ay ibibigay na natin sa PNP para talagang opisyal na maimbestigahan at makuha natin yung tamang at opisyal na sagot.”
Ang malinaw aniya, dapat maibigay ang mga kinakailangan na impormasyon upang mas mapadali ang kanilang ginagawang contact tracing.
“Kailangan nya po magsalita kung saan ang totoo para kung may problema man o kung may contacts sya Rio Tuba magawan na ng containment ngayon pa lang… Basta ang importante po ay maayos natin yung contact tracing at ma-capture lahat ng possible contact and from that makakakilos po tayo.”
Nagpaalala rin si Alili na magdudulot lamang ng malaking problema kung magsisinungaling ang isang pasyente.
“Maiintindihan na rin ng ating mga kababayan kung bakit kailangan ng coordination sa barangay dahil at the end of the day ang babalikan namin at hahanapan ng record ay yung barangay. Magsabi man kayo na nag-quarantine kapag hindi po yan alam ng barangay eh magbibigay lang ng mas malaking kalituhan at problema doon sa lugar na sinasabi nating pinanggalingan.”