Provincial News

Culion Sanitarium General Hospital nag tala ng unang kaso ng COVID-19; Mamamyan, walang dapat ipangamba

By Chris Barrientos

August 18, 2020

Nananatiling ligtas at walang dapat ikabahala ang mga pasyente at empleyado ng Culion Sanitarium General Hospital maging ang kaanak ng mga ito kahit pa nakapagtala ang ospital ng kauna-unahang pasyente na positibo sa COVID-19.

Sa inilabas na advisory ng CSGH Management, sinasabing ginagawa nila ang lahat ng pag-iingat at paghahanda upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 infection sa ospital maging sa buong bayan ng Culion.

“May nakahandang mga hakbang na ipinatutupad ang hospital na naaayon sa mga antas at level ng susunod na mga mangyayari at kaganapan,” bahagi ng CSGH Advisory No. 24 na ipinalabas ngayong araw.

Matatandaan na una nang inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Coron na isang residente ng Barangay Tagumpay sa nasabing bayan ang nagpositibo sa COVID-19 at sinasabing kaso ng local transmission at kasalukuyang naka-admit sa Culion Sanitarium General Hospital.

Sa kabila nito, mananatili namang bukas ang CSGH upang tumanggap ng mga pasyente sa kanilang Emergency Room, Out-Patient Department at admission sa ospital at kailangan lamang ay sundin ang mga alituntunin upang maiwasang mahawa ng virus.

Pinapayuhan din ang lahat na maging mahinahon at makipagtulungan habang nananatiling banta sa sinuman ang COVID-19.

Samantala, naglabas din ng hiwalay na pabatid ang Lokal na Pamahalaan ng Culion kung saan ipinagbabawal muna ang pagbiyahe papasok at palabas ng munisipyo mula ngayong araw.

Sa advisory na pirmado ni Mayor Virginia De Vera, nakasaad na “essential travel” lamang ang papahintulutan nila tulad ng health emergency cases, OPD patients na kailangang pumunta ng ospital para sa check-up at mga pasyenteng may referral mula sa kanilang Rural Health Unit.

“Pansamantalang ipinagbabawal din muna ang pagpasok sa Culion ng mga pribado at pampublikong bangka na may lulan ng lokal na indibidwal at ganun din ang paglabas ng anumang cargo para sa kahit saang munisipyo sa labas ng Culion,” bahagi ng Opisyal na Pabatid ng Culion LGU.

Pinapayuhan din ng alkalde ang kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng inilabas na advisory na palagiang magsuot ng face mask at face shield lalo na kung lalabas pero hindi parin pinahihintulutan ang mga nasa edad 20 pababa at 60 pataas na makalabas ng bahay.