Provincial News

Cuyo LGU, nabigla at umaming hindi handa sa padating ng LSIs mula Iloilo

By Chris Barrientos

May 26, 2020

Hindi pa handa ang lokal na pamahalaan ng Cuyo sa pagdating ng locally stranded individuals sa kanilang bayan nitong Linggo, May 24.

Sa panayam ng programang “Chris ng Bayan” sa Palawan Daily, sinabi ni Cuyo Mayor Mark Delos Reyes na nabigla sila sa pagdating ng barko doon mula sa Iloilo lulan ang labing-isang indibidwal.

Paliwanag ng alkalde, hindi pa kasi tapos ang kanilang quarantine facility na inihahabol sana nila sa unang linggo ng Hunyo, ang impormasyong kanilang alam mula sa pamahalaang panlalawigan kaugnay sa pag-uwi ng kanilang mga kababayan na inabutan ng lockdown sa labas ng Cuyo.

“Nabigla na lang kami, walang communication talaga po sa office na may mga parating pala. Tumawag nga agad ako sa province kay Jerry Alili ng PDRRMO, sabi n’ya ang nag-arrange daw nun ay national government,” ani Mayor Delos Reyes sa panayam ng Palawan Daily.

“Hindi pa tapos ang quarantine facility, kasi inihahabol nga sana namin ng June dahil ‘yun ang alam namin. May ibinigay yatang listahan na na-check nung Friday yata dumating sa MDRRMO at Tourism Office pero hindi agad ako na-inform. Nalaman ko nalang po nung Saturday [May 23] ng hapon,” dagdag ng alkalde.

Sinabi pa ni Mayor Delos Reyes na dahil sa kakulangan ng preparasyon at huling koordinasyon, wala rin anya silang magawa kundi tanggapin na lamang ang kanilang mga umuwing kababayan sa kabila ng kakulangan sa pasilidad.

“Apat lang ang rooms sa amin, malalaki naman at hiwa-hiwalay naman ang kama. Pero hindi namin kaya pa ang isang kwarto na may palikuran sa bawat isang indibidwal dahil nga hindi pa tapos ang quarantine facility na inihahanda sana namin,” lahad ni Delos Reyes.

Dagdag pa nito na hindi rin nila kakayanin sa ngayon kung may panibagong batch na uuwi sa kanilang bayan mula sa labas ng Palawan kaya nakiki-usap ito sa pamahalaang panlalawigan na kung maaari ay matulungan sila.

“Problema namin, may pauwi nanaman daw po dito na galing Manila at dadaan naman ng Puerto Princesa kaya kung pwede sana ay i-hold muna ang taga-Cuyo na uuwi dito at baka may pasilidad ang province na pwede muna siya i-quarantine. Kasi po pag umuwi agad dito ‘yan, magkakasama sila sa barko ng ibang pasahero na galing din sa ibang lugar at hindi pa talaga kami handa at wala kaming pagdadalhan pa sa kanila sa ngayon,” pakiusap ng alkalde.