Photo credits to Coast Guard Eastern Palawan

Provincial News

Dalawang tripulante, sugatan matapos masunog ang sinasakyang barko sa Cuyo, Palawan

By Hanna Camella Talabucon

May 16, 2023

Dalawang tripulante ang naiulat na sugatan matapos magtamo ang mga ito ng first-degree burn ng masunog ang sinasakyang barkong FV Victory 89 na gawa umano sa fiber sa karagatang sakop ng Cuyo, Palawan.

Base sa ulat ng Coast Guard Station Eastern Palawan ngayong araw ng Lunes, Mayo 15, matapos magtulong-tulong ang mga tauhan ng PCG, Cuyo Municipal Police Station at mga manginingisda na apulahin ang naturang sunog ay lumubog pa rin umano ang barko makalipas ang ilang oras.

Ayon sa mga ito, ang barko ay pagmamay-ari ng Frabelle Fishing Corporation.

Samantala, bilang pag-iingat ay naglatag naman ng mga oil spill booms sa lugar na pinangyarihan ang mga kawani ng PCG.

“Ngunit matapos ang ilang oras na pagaapula ng apoy, ang nasabing fishing vessel ay tuluyan ng lumubog. Naglatag din ng oil spill booms ang mga tauhan ng CGSEP upang masiguro ang maproteksyunan ang ating kalikasan,” ayon sa PCG.

Inaalam pa sa kasalukuyan ang sanhi ng pagkasunog ng nasabing barko.