Provincial News

DAR-MIMAROPA, patuloy na hinihikayat ang mga agriculture graduates na samantalahin na ang pamamahagi ng lupa para sa kanila

By Diana Ross Medrina Cetenta

January 18, 2021

“Binibigyan natin ng opportunity ang ating mga agri graduates na makapag-cultivate ng mga [sarili nilang] lupa because ang pinaka-essence diyaan, ‘yong average age of farmers natin ngayon [sa Pilipinas] is nasa 57 years old na.”

Ito ang tinuran ni Department of Agrarian Reform (DAR)-MIMAROPA Regional Director Zoraida Macadindang sa phone interview ukol sa kahalagahan ng AO No. 3, series of 2020 na kinatha upang mabigyan ng sariling lupaing sasakahin ang mga kabataang Pilipino na nakapagtapos ng Agriculture courses o mga kahalintulad nito. Sa Pilipinas, umaabot umano sa 28,000 indibidwal ang agriculture graduates sa kasalukuyan.

Sa ngayon ay patuloy na nananawagan ang ahensiya sa mga Palaweñong nakapagtapos ng nasabing kurso na tumungo lamang sa kanilang tanggapan. Sa Lalawigan ng Palawan, matatagpuan sila sa Puerto Princesa City Coliseum. Dalhin lamang ang mga dokumentong kinakailangan para makapag-apply.

“By virtue of [that] AO, binibigyan natin ng opportunity ‘yong mga farmer scientists natin kasi ‘di ba mga expert sila sa agriculture, na ma-cultivate naman nila ang sarili nilang lupa,” ani RD Macadindang.

Aniya, kapag nag-apply ay dalhin lamang ang sertipikasyon buhat sa pinagtapusang eskwelahan, letter of intent at commitment na pag-iinamin ang lupaing ibibigay sa kanya at gagawin itong produktibo. Kailangan din aniyang may kapasidad na mag-cultivate ng lupain, kailangang wala pang sinasakang lupa, hindi agrarian reform beneficiary (ARB), at walang pending application bilang ARB sa ilalim ng regular land distribution ng DAR.

Sa ngayon, sa Lalawigan ng Palawan ay sa Bayan ng Busuanga pa lamang ang may government-owned land (GOL) na may cadastral survey at maaaring ipamigay.

Ani Macadindang, nakasaad sa nasabing batas na pwede kahit saan galing na barangay ang isang benepisyaryo, ang mahalaga ay residente siya ng munisipyo kung saan matatagpuan ang GOL, na gaya sa Palawan ay sa Busuanga. Aniya, dahil malaki ang YKR, kung saan manggagaling ang ipamamahaging lupain sa 102 ARBs at sa mga nag-a-apply na agri graduates, mayroon din sanang lupaing bahagi nito ang pwedeng ipamahagi sa Coron ngunit wala pa itong kadastro.

Ayon pa sa direktor ng DAR sa MIMAROPA Region, bagamat ayaw niyang pangunahan ang Committee on Policy Review, ngunit titingnan umano nila kung kinakailangan silang makapagbigay ng suhestyon sakaling marami ang makikiusap na payagang gawing provincewide ang programa na sa kasalukuyan ay nakalimita pa lamang sa mga aplikanteng sakop ng munisipyo kung saan din matatagpuan ang government-owned land.

“Talagang malaking tulong ito para ma-secure natin ang ating food security–palaging may pagkain sa mesa and then, we will take advantage the expertise if these, mga farmer scientist natin. It’s about time para mag-hands-on sila, tapos turuan nila ang mga kasamahan nilang mga ordinary ARBs natin kasi isa ‘yan sa mga commitment na hiningi natin sa kanila,” ani RD Macadindang.

At higit sa lahat umano, ang pinaka mahalaga ay ang kahandaan ng mga benepisyaryo at ang kanilang interes, at commitment na makatulong sa pagpapayabong ng agrikultura ng Pilipinas, lalo pa umano na ang mga magsasaka sa ngayon ay pawang mga matatanda.

“So, [sinasabi nga sa kasabihan], ‘Ang mga kabataan ang Pag-asa ng Bayan’–‘yon talaga ang pinaka-gist kaya na-craft ang Administrative Order na ito, food security talaga ang ano natin diyan at saka, para ‘yong mga kabataan natin, hindi na ‘yong pagkatapos na maka-graduate umaalis na [sa bansa], and most importantly, para ma-encourage sila to take the agriculture courses,” aniya.

“Lalo na ngayong pandemic, nakita natin kung gaano kaimportante ‘yong mga pananim natin. Ang realization nito is offshoot doon sa COVID [pandemic] talaga,” dagdag pa ng opisyal.