Provincial News

Demaala suportado si Danao kung magkakaso ito ng Perjury laban sa pinsan niya

By Hanna Camella Talabucon

January 24, 2022

Hinamon ni Board Member Clarito “Prince” Demaala IV si Narra Mayor Gerandy Danao na magsampa ng kasong Perjury laban sa pinsan niyang si Joanne Gadayan ukol sa kasong sexual harassment na isinampa nito sakanya.

 

Ito ay matapos madawit ang pangalan ni Demaala sa kaso sa pagitan ni Danao at ng kanyang pinsan na si Gadayan matapos maglabas ng balita ang isang lokal na media outlet kamakailan.

 

Ayon sa eksklusibong panayam ng Palawan Daily kay Demaala noong Lunes, Enero 24, iginiit nito na maaring magsampa ng kasong Perjury si Danao sa kanyang pinsan kung sa tingin alkalde ay nagsisinungaling lang umano ang kanyang pinsan sa mga paratang nito sakanya.

 

“Kung sa tingin niya eh nagsisinungaling si Joanne, puwede naman at malaya naman siya mag-file ng Perjury kung gusto niya at kung sa tingin niya eh ‘yun ang tama. I mean initially, hindi naman ako kasama sa issue nila. But lumitaw nga sa balita ng isang media outlet, na politically motivated daw at ako ang tinuturo niyang pasimuno kaya nadamay na pati ako. Susuportahan ko pa siya kung magdesisyun siyang magkaso sa pinsan ko,” ani Demaala.

 

Dagdag ni Demaala ay marapat na malaman rin ng lahat ang katotohanan ukol sa nasabing sexual harassment na kaso ng kanyang pinsan laban sa alkalde sa pamamagitan ng tamang paglilitis sa husgado at sa kung anong social media platform.

 

“May tamang proseso naman na dapat sundin. In the end, korte ang magsasabi kung totoo ba o hindi,  mey merit ba o wala ‘yung kasong isinampa, its not in our affairs to make comment. Nasa pagitan ‘yan ni Joanne, ni Mayor Danao at ng prosecution,” ani Demaala.

 

Ayon naman sa tagapagsalita ni Danao na si Gastanes, mula sa mensaheng kanyang ipinadala sa Palawan Daily ngayong araw, no comment o hindi muna umano magbibigay ng pahayag ukol rito ang nasabing alkalde. Sa ngayon, anya, ay hihintayin muna nila ang desisyon ng opisina ng piskal.

 

“No comment nalang po muna si Mayor Danao diyan, kapag talagang dumating sa ganoon personal na po ni Mayor Danao ‘yan. But right now, hinatyin natin ano maging desisyon ng fiscal office,” ani Gastanes.

 

Sa isang eksklusibong interview naman ng Palawan Daily kay Gadayan noong Linggo, Enero 23, ipinaalam nito na sa ngayon ay naghihintay rin siya kung kalian ipababatid ng Palawan Provincial Prosecutor’s Office ang simula ng kanilang pagdinig.

 

“Sa ngayon hindi ko pa masabi, maghihintay din po ako ng notice galling sa prosecutor’s office,” ani Gadayan.