Panibagong paglabag ang kinakaharap ngayon ni Dr. Natividad Bayubay, ang Schools Division Superintendent ng Department of Education Palawan. Ito ay matapos makarating sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) ang post sa social media ni Bayubay na nag-aalaga ng dalawang pagong.
Ayon kay PCSD Spokesperson Jovic Fabello, kailangang dumaan sa kanila ang sinumang nagnanais na mag-alaga ng buhay-ilang. At tumigil na raw sila magbigay ng permit para mag-alaga.
Nahaharap ngayon si Bayubay sa paglabag sa Section 8 ng RA 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act at Section 39.3 ng PCSD Administrative Order No. 12 dahil sa pag-aalaga ng buhay-ilang ng walang kaukulang permit.
“We are preparing a formal letter for her to voluntarily surrender the turtles. It’s not a good example for teachers and students alike.” ani Fabello.
“She needs to turn it over at PCSDS. We will check the intricacies about her case,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan ay nasa isang quarantine facility si Dr. Bayubay. Sinundo ito ng mga tauhan ng Provincial IMT mula sa tanggapan ng Provincial DepEd kahapon matapos na hindi dumaan sa quarantine nang makabalik sa Puerto Princesa noong January 5, sakay ng pribadong eroplano ni Gov. Jose Chaves Alvarez.