Provincial News

DepEd Superintendent Bayubay walang impluwensya sa 3in1 – PIO Arzaga

By Angelene Low

January 09, 2021

Iginigiit ng Provincial Government of Palawan na walang kakayanan si Department of Education (DepEd) Palawan Schools Division Superintendent Dr. Natividad Bayubay upang manipulahin na manalo ang 3in1 Palawan sa darating na plebisito.

“Wala namang impluwensya si Dr Bayubay. Hindi naman taga Palawan ‘yan atsaka sa DepEd…hindi naman siya darling of the crowd diyan. Hindi siya very popular kumbaga posibleng influencial doon…,” ayon kay Provincial Information Officer (PIO) Winston Arzaga. .

Kumpiyansa naman Pamahalang Panlalawigan na mananalo ang Yes sa darating na plebisito para sa pagtatatag ng tatlong probinsya sa Palawan.

“Hindi kailangan. Overwhelming ang pagtanggap ng ating mga mamamayan. Itong latest survey namin mga late December yan na napakalawak ng lamang. Pwede na ngang ihayahay yung 3in1 eh but then we do it kasi kailangan pang i-inform yung lahat ng mamamayan ng latest about 3in1,” saad pa ni Arzaga.

Nanindigan si Arzaga na hindi kailangang gumamit ang Provincial Government ng kung sino man para manalo sa plebisito na gaganapin sa Marso 13, 2021.

“Suspended po siya [at] may suspension order [ng] 90 days ‘yan, matapos na yung 90 days tapos na yung plebisito. So papaano maiimpluwensyahan? It will not hold water sa sabi ‘sige bigyan ng special treatment yan gagamitin yan’ [dahil] hindi kailangang gumamit ng ganiyan yung 3in1 para manalo sa plebisito. Baka liability pa kung titingnan ninyo, diba?” pahayag ni Arzaga.

Nauna namang naglabas ng pahayag ang Save Palawan Movement na nangangamba sila na baka gamitin ang posisyon ni DepEd Superintendent Natividad Bayubay para manipulahin ang magiging resulta ng botohan sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya.