Provincial News

DOLE, walang bagong listahan ng CAMP

By Chris Barrientos

May 02, 2020

Nilinaw ng Department of Labor and Employment dito sa lalawigan ng Palawan na wala pa silang inilalabas na bagong listahan ng mga na-aprubahang aplikasyon sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP at makakatanggap ng P5,000.

Ayon kay Luis Evangelista, ang Field Officer ng DOLE – Palawan, hangga’t wala pang actual payment sa mga benepisyaryo nito ay hindi sila maglalabas ng listahan.

Paliwanag ng opisyal, unang batch palang ang kanilang inilabas dahil hinihintay parin nila ang pondo hanggang sa ngayon.

Sa ngayon anya ay hindi pa naibababa ang pera sa rehiyon na nagkakahalaga ng P75 million na alokasyon para sa MIMAROPA kung saan kasama anya dito ang Palawan.

“Hindi pa nakakatanggap ang batch 2 hanggang 6 at ang nakakatanggap palang ay ang first batch na 422 workers [Palawan] kasi wala pa uling sumunod doon dahil wala pa ulit ibinabang pera,” ani Evangelista sa panayam ng Palawan Daily.

Sinabi rin ng opisyal na wala na sa kanila ang kontrol kung sino ang na-aprubahan o hindi dahil naisumite na nila sa kanilang regional office ang listahan.

Ito rin anya ang nagpapadala ng “Notice of Non-Accomodation” sa pamamagitan ng “email”.

Maglalabas din naman anya sila ng listahan kung sino ang kanilang na-accommodate sa CAMP sa oras na bumaba na ang pondo nito.

Samantala, pinayuhan na lamang ni Evangelista ang lahat na maaari na silang mag-apply para sa “Small Business Wage Subsidy (SBWS) Program” na una nang inanunyos ng national government.

“Maglalabas kami sa tamang panahon ng listahan kung sino ang na-accommodate namin. Maghintay na lamang sila at the same time, habang naghihintay sila ay pwede narin silang mag-apply kay SBWS kasi wala namang mawawala kung mag-apply sila kahit may hinihintay sila kay DOLE kasi magkahiwalay naman ang programa naming,” dagdag pa ng opisyal.