Provincial News

Dugong, natagpuang patay sa Bayan ng Taytay, Palawan

By Lexter Hangad

March 03, 2021

Patay na nang matagpuan ang isang dugong sa Sitio Caparre Brgy. Poblacion, Taytay, Palawan noong Lunes, Marso 1, 2021.

Ayon sa nag-report na si  Erwin G. Lagan residente ng Sitio Caparre, Barangay Poblacion, Taytay Palawan, pasado 7:30 ng umaga noong Lunes ay ipinaalam sa kanya ng mga bata sa kanilang lugar na may nakita ang mga ito na isang patay na dugong. Ipinost niya ito sa social media at nakuha ang atensyon ng mga kawani ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) District Management Office (DMO) Calamian at agad tumungo ang mga ito upang kumpirmahin.

A dead body of dugong /Photo from PCSD Palawan

Sa pagsusuri ng Palawan Council for Sustainable Development, nakitaan ang dugong ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at pinaniniwalaang sinaksak ito gamit ang isang bolo. Napansin din umano nila na tinanggal ang sex organ ng dugong maging ang ibabang bahagi ng katawan nito. Hanggang sa ngayon ay palaisipan pa rin sa mga awtoridad ang walang habas na pagpaslang sa dugong.

Sa tulong ng mga residente sa lugar ay agad itong inilibing malapit sa isang dalampasigan. At patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyari.Samantala, itinuturing na “Critically Endangered Species ” ang mga dugong sa ilalim ng PCSD Resolution No. 15-521.

Panawagan naman ng pamunuan ng PCSD na kapag may nakakita o nakasagip ng kahit na anong uri ng buhay-ilang ay agad ipagbigay-alam ito sa kanilang tanggapan o tumawag sa numerong 0935-116-2336 (Globe/TM) at 0948-937-2200 (Smart/TNT) o mag-message sa kanilang Facebook Page.