Nagtala ng kauna-unahang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bayan ng Dumaran kahapon at ikasampung kaso naman ang Sofronio Española ngayong araw.
Ayon kay Provincial Health Officer Mary Ann Navarro, ang kauna-unahang kaso sa Dumaran ay isang locally stranded individual (LSI) na dumating sa lalawigan ng Palawan lulan ng isang eroplano noong Hulyo 4.
Ani Dr. Navarro, lumabas kahapon ang resulta ng swab test ng nasabing LSI na nagkukumpirma na positibo siya sa COVID-19.
Aniya, magtatapos na sana ang pag-quarantine sa nasabing indibidwal ngunit isinailalim siya sa swab test matapos na maging reactive sa IgM ang isinagawa sa kanyang Rapid Diagnostic test.
Nananatili naman umanong asymptomatic ang naturang LSI na sa ngayon ay nasa isolation facility sa isang barangay sa nasabing munisipyo.
“Galing pa ito (sakit ng pasyente) sa point of origin niya sa NCR kasi hindi naman ‘yan kadali makuha sa airport at may social distancing din sa eroplano,” ayon pa kay Dr. Navarro.
Sa bayan naman ng Sofronio Española, ang pangsampung kaso ng COVID-19 ay isa ring LSI.
Ayon kay Municipal Health Officer Rhodora Tingson, galing ding NCR ang nasabing 27 taong gulang na babaeng LSI na dumating sa probinsiya noong July 12, sakay ng barkong 2Go.
Lumabas ang resulta ng kanyang swab test ngayong araw matapos na kuhaan ng specimen noong araw ng Lunes at naidala sa Ospital ng Palawan kahapon.
“Kasama siya sa case numbers 7 and 8 natin at magkakapamilya sila,” ani Dr. Tingson.
Sa ngayon ay nananatili pa rin umanong asymptomatic ang nasabing pasyente at stable ang lagay ng kalusugan.
Mula naman sa sampung kabuuang kaso ng COVID-19 sa Bayan ng Sofronio Española, anim na rito ang gumaling na at tanging apat na lamang ang mga aktibong kaso bagama’t may hinihintay pa silang limang swab test results na posible umanong lalabas bukas.
Samantala, patuloy na nanawagan ang PHO sa mga Palawenyo na huwag kalilimutang sundin at gawin pa rin ang minimum health standards katulad ng pagsusuot ng face mask kapag lumalabas ng tahanan, palagiang paghuhugas ng kamay at pagdistansiya sa ibang indibidwal kapag nasa labas ng bahay at pagtitipon.