Wala umanong balak si former Araceli Mayor Noel Beronio na sapilitang ipatupad ang desisyon ng korte na umupo na siya bilang bagong alkalde ng kanilang munisipyo at bahala na umano ang mga kinauukulan na magpatupad nito pagkatpos na siya ay nanalo sa electoral protest.
Ani Beronio, ayaw niyang mauwi sa gulo ang implementasyon ng ibinabang Writ of Execution ng hukuman ukol sa pagkapanalo niya sa inihain niyang electoral protest kaya bahala na ang mga awtoridad na ipatupad ang kautusan ng korte at nasa mga pinuno na lamang din ng mga ahensiya at tanggapan kung sino ang kanilang kikilalanin bilang alkalde ng Bayan ng Araceli. Aniya, umiiwas siya sa gulo at ninanais ang matiwasay na pag-upo na dahilan umano kaya hindi pa siya tumutungo sa munisipyo lalo pa’t nakaharang sa harap ng municipal hall ang mga supporters ng kampo ni Mayor Sue Cudilla at ang heavy equipment.
“Dalawa kaming mayor dito [sa Araceli],” ang pabiro pa niyang komento.
Ayon pa kay Beronio, ayaw kilalanin ni Cudilla ang hatol ng korte sapagkat wala naman umanong ibinabang kautusan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagpapababa sa kanya sa pwesto.
Ngunit giit ng bagong alkalde, ang dapat sinusunod sa ngayon ay ang desisyon ng korte na dala ng sheriff na siya ang nagwagi noong May 2019 Elections.
“Iyon po ang nakalagay kasi sa Writ of Execution na na-issue ng judge. So, in-order-an po ‘yong clerk of court ng regional trial court na mag-issue ng order sa sheriff. ‘Yan po ‘yong dala ng sheriff para i-execute ang order,” ani Beronio.
“Wala namang binabanggit doon na kailangang ng order ng DILG para umalis siya sa pwesto,” dagdag pa niya.
Dagdag naman niya, natanggap niya ang order ng korte na dala ng sheriff noong ika-29 ng Hunyo na naging basehan upang manumpa rin siya sa araw ding iyon sa harap ni Judge Paul B. Jagmis Jr. ng Regional Trial Court (RTC)-95/Roxas na nakabase pa ngayon sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ngunit maging iyon ay kinuwestyon din umano ng kabilang kampo kaya kahit nakapanumpa na sa isang hukom ay muli siyang nanumpa sa katungkulan sa isa sa kanilang mga kapitan. Aniya, idinaos ang ceremonial oath taking sa Legislative Building ng Sangguniang Bayan ng Araceli kahapon, Hunyo 30, na pinangunahan ni Kapt. Efren Dancil ng Brgy. Taloto.
“Kinukwestyon nila (kabilang kampo) ang panunumpa ko kay Judge Jagmis kahapon [at sinabing]…gawa-gawa lang namin. [Kaya] para maipakita namin sa Bayan ng Araceli…ay nag-oath ako uli sa presence ng mga kababayan namin. Ipinatawag [din] natin ang mga kapitan, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga empleyado,” aniya.
Kahapon din umano ay natanggap na ni Cudilla ang kopya ng desisyon ng korte na dala-dala ng sheriff.
Ayon pa kay Mayor Beronio, kahapon din ay nagpadala na rin siya ng memorandum orders sa lahat ng tanggapan ng kanilang munisipyo at mga ahensiya, kabilang na ang Landbank at COA, na siya na ang mayor ng Araceli.
Aniya, dapat umano ay uupo na siya noong Hunyo 8 ngunit humingi si Cudilla ng extension sa korte upang makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) na pinagbigyan din ng hukuman hanggang Hunyo 20. Ngunit pagdating ng nasabing petsa ay wala umanong nakuhang TRO ang kampo ni Cudilla kaya nagpababa na ng Writ of Execution ang hukuman at inatasan din ang DILG at Comelec na mag-assist sa sheriff sa pag-iimplementa ng kautusan.
Ayon naman kay City at Provincial DILG Director Virgillo Tagle, hindi niya masabi kung dapat na bang bumaba o hindi si Mayor Cudilla sa pwesto sapagkat “court matter” ang usapin at itinanggi rin niyang may binitiwang salita ang Municipal Local Government Officer (MLGO) – Araceli na kailangan pa ng order ng DILG sa pagbaba ng kasalukuyang alkalde ng nasabing munisipyo.
Sinubukan din ng Palawan Daily News (PDN) na kunan ng panig si incumbent Mayor Sue Cudilla ngunit tumanggi siyang magbigay ng anumang pahayag base na rin umano sa rekomendasyon ng kanyang mga abogado. Samantala, matatandaang noong Mayo ngayong taon nang inilabas ng RTC Branch 164 ang Execution Order ukol sa pagkakapanalo ni Beronio sa inihain niyang electoral protest laban kay Cudilla kaugnay sa halalan noong nakaraang taon. Si Cudilla ang naproklamang nagwagi base sa “Best of Three” ng isinagawang toss coin matapos na mag-tie ang nakuha nilang boto ng nakatunggaling si Beronio.