Matapos i-anunsyo noong Hulyo 5, 2022, ng Pamahalaang Panlalawigan ang balita na nagpositibo sa sakit na COVID-19 si Gov. Dennis Socrates ay patuloy pa rin umano ito sa kanyang trabaho.
Ayon kay Provincial Information Officer (PIO) Atty. Christian Cojamco, walang nagbago sa trabaho sa kapitolyo kahit na nagpositibo ang gobernador sa isinagawang Antigen at RT-PCR test at nagtatrabaho ito habang naka-isolate.
“Actually sir siya po ay naka-work from home so ang kanyang function ay siya pa rin po…so yong mga papers for signature dinadala po sa kanya tapos idi-disinfect bago ibalik dito sa kapitolyo,” ani ni Cojamco.
Dagdag pa ni Cojamco, may mga ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang kasalukuyang naka-quarantine at hindi lahat umano ay close contact ng gobernador sa nakalipas na limang (5) araw.
Dahil dito ay pansamantalang sinuspende muna ang nakatakda sanang inagurasyon noong nakaraang Martes at baka sa susunod na linggo umano ay balik normal na ang trabaho sa sanggunian.
“Tama po from governor at some of the Board Members ay naka-quarantine for five (5) days…pero iyong mga board members nakapagpa-test na kanina [Hulyo 6] and we we’re just waiting for the result,” ani ni Cojamco.
“Hindi lahat ng mga board members natin ay close contact or considered as close contact…actually kaunti lang yong considered as close contact…so by next Tuesday maaring may quorum na,” paliwang pa ni Cojamco.
Patuloy pa rin umano ang isinasagawang contact tracing sa mga department heads at empleyado ng kapitolyo ng tanggapan ng Provincial Health Office (PHO) sa mga nakasalamuha ng gobernador.
“So yong Provincial Health Office (PHO) kahapon ang update sa akin ay tuloy-tuloy padin yong contact tracing and tuloy-tuloy iyong ginagawa nilang testing,” saad ni Cojamco.
“Kaninang umaga po [Hulyo 6] ay nag test na po ang some of the department heads and some of the close in staffs ni Governor Socrates and some of the Board Members,” dagdag pa nito.
“So kaninang umaga [Hulyo 6] yong schedule nila…kasi nag-antay talaga tayo ng incubation period hindi natin sila pwedeng i-test kaagad kahapon [Hulyo 5] kasi hindi din ma d-detect so kaya inantay natin hanggang Wednesday morning for the incubation period,” paliwanag ni Cojamco. “So lahat po ng considered as close contact ay na test na kanina [Hulyo 6],” dagdag pa nito.
Samantala, paalala naman ng Pamahalaang Panlalawigan na kung sino man ang mga nakasalamuha ng gobernador bago ito magpositbo sa COVID-19 ay mabuting mag self-isolate muna pansamantala at hiniling sa publiko na ipagdasal ang mabilis na paggaling ng gobernador mula sa sakit.