Dead on arrival ang isang batang babae kahapon matapos na mabangga ito ng isang sasakyan sa Iraan, Aborlan, Palawan. Ang nasabing biktima na hindi na pinangalanan pa ng pulisya ay siyam na taong gulang na babae, nasa ikatlong baitang sa elementarya at residente ng nasabing lugar.
Ang drayber ng Toyota Hi-Ace GL Grandia na nakabangga sa biktima ay si Ronald Camus Rea, 37 anyos, may asawa, holder ng Professional Driver’s License at residente ng Brgy. Estrella Village, Narra, Palawan. Nakarehistro naman sa nagngangalang Emilia N. Asgali ang naturang sasakyan.
Batay sa spot report ng Palawan Police Provincial Office (PPO), dakong 3:15 pm kahapon, Nobyembre 3, 2020 nang binabagtas ng nasabing Toyota GL Grandia ang daan mula sa Lungsod ng Puerto Princesa patungong Bataraza, Palawan. Nang dumating sa pinangyarihan ng aksidente ay may dalawang menor de edad na babae na nagmamadaling tumawid sa highway. Nagawa ng isang kabataan na makaabot sa kabilang parte ng kalsada ngunit ang isa ay nabangga ng kaliwang head light ng nasabing subject vehicle.
Bilang resulta ay tumalsik ang biktima sa kaliwang bahagi ng daan. Agad naman siyang dinala ng mga tauhan ng Rescue 165-Aborlan sa Aborlan Medicare Hospital ngunit idineklara siyang wala nang buhay ng sumuring doktor na si Dr. Dakila Vine Villan.