Nilinaw ng pamilya ng napaslang na mamamahayag at kilalang environmentalist na si Dr. Gerardo “Gerry” Ortega sa ginanap na press conference kanina, April 27, 2022, na hindi pamumulitika ang motibo bagkus ay hustisya ang kanilang isinisigaw sa mahigit isang dekada na nilang pag-aantay.
Ito ay laban kay dating Gobernador Joel T. Reyes na kumakandidatong muli sa pagkagobernador ng Palawan at itinuturong utak sa pagpatay kay Ortega noong 2011 at ngayo’y pansamantalang nakalaya dahil sa ibinabang Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema na nais namang ipasawalang bisa ng Office of the Solicitor General (OSG) dahil matibay umano ang ebidensya laban dito.
Ayon kay Mika Ortega, malaking insulto umano ito sa kanilang pamilya at taga-suporta ang isang dekada na mapagsa hanggang ngayon ay bigo pa rin makamit ang hustisya para sa kanyang ama.
“Matagal po talaga yung eleven (11) years, katunayan nung pinatay si daddy ang una pong nakita namin is ang dami po naming nakilalang mga pamilya na mga pinaslang na media mga mamamahayag at sobrang tagal na nilang nag-aantay. Parang inisip namin ayaw namin tumagal ng ganyan katulad na lang nga po ng aming sinabi hindi naman kakaiba yung 11 years pero hindi narin po tama na ganoon katagal kasi nga tinatawag na adding insult to injury pinatayan ka na nga mag-aantay kapa ng isang dekada. Ultimo nga itong mga justice t-shirt nasisira na po sa sobrang tagal naming ginagamit,” ani ni Mika Ortega.
Dagdag pa ng anak ni Doc Gerry Ortega, pinasinungalingan naman ang kumakalat na balita na ang kanyang pamilya kasama ng grupong Justice for Palawan Movement na sila umano ay namumulitika.
“Tapos hindi lang po iyon, katulad ng nakikita po ninyo ngayon siguro naririnig niyo rin po, kami na nga itong namatayan kami pa yung pagbibintangan na ang dami daw naming pino-politika hindi naman po namin kasalanan kasi in 11 years na halos apat (4) na eleksyon na yung dumaan so laging before election and after election hindi naman namin kasalanan iyon, hindi po totoo iyon,” sabi nito.
Ayon naman sa abogado ng pamilya Ortega na si Atty. Christian Libiran, pinuri nito ang naging desisyon at komento ng Office of the Solicitor General (OSG) sa ipinataw na Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema sa dating gobernador at umaasang didinggin nito ang hiling ng OSG na ipasawalang bisa ito.
“Sa ngayon po ay hindi natin alam kung ano ang magiging desisyon ng Korte Suprema. Subalit ang inaasahan natin na magaling ang OSG at nai-argue nila ng maayos ang kanilang comment at kanilang oposisyon doon sa inilabas na TRO,” ani ni Libiran.
“May mga elements or mga requisites sa pag isyu ng TRO at i-argue ng OSG na ilan sa mga requirements sa mga elements na kinakailangan ay wala doon. So hopefully i-grant ng Korte Suprema ang oposisyon ng OSG. Subalit sa ngayon po ay wala po tayong magagawa kundi antayin po ang desisyon ng Korte Suprema,” dagdag ni Libiran.
Samantala, ilang buwan pa umano ang kanilang aantayin ayon kay Atty. Libiran ng tanungin ito kung gaano pa ang itatagal ng kaso bago maresulba ito.
“Judging doon from the previous motions and resolutions na ginawa ng Supreme Court sa mga nagdaang motion tinignan ko na mayroon silang mula three (3) months hanggang six (6) months na duration so approximately mga ganun din po ang aantayin natin sa pag-resulba dito sa pending insident na ito,” sabi pa nito.